Mga buwaya ang magpapabagsak sa ekonomiya
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 13, 2021
KAPAG TUMULOY SA LABAN SA PRESIDENTIAL RACE SI SEN. BONG GO, SIGURADONG SIYA PA RIN ANG "MANOK" NI P-DUTERTE--Kahit nagpahayag na si Sen. Bong Go ng pag-atras sa laban sa presidential race, hindi pa rin siya pormal na nagsusumite ng withdrawal sa Comelec.
Kaya 'yung mga presidential candidate na humihingi ng suporta kay P-Duterte, huwag gaanong umasa na isa sa kanila ang susuportahan ng pangulo kasi kapag nagbago ang pasya ni Sen. Bong Go at tumuloy sa laban sa presidential race, tiyak na ito pa rin ang susuportahan ng pangulo, period!
◘◘◘
KAPAG ELEKSIYON, NAGLALABASAN ANG MGA PERANG NAKATAGO NG MGA KANDIDATO--Sa mga susunod na araw, tiyak na ibibida ng NEDA (National Economic Development Authority) na lumalago na ang ekonomiya.
Sa totoo lang, lalago talaga ang ekonomiya ngayon kasi 'yung perang ipinakatagu-tago ng mga kandidato ay inilalabas na ngayon para gamitin sa pamumulitika para sa kanilang mga pansariling interes.
Gasta rito, gasta roon para matiyak lang ang kanilang panalo sa darating na eleksiyon.
Ang masaklap, kapag nanalo ay magnanakaw na naman sila nang magnanakaw sa kaban ng bayan at ang ninakaw ay itatago ulit at muling ilalabas kapag panahon ng eleksiyon, boom!
◘◘◘
PAGKATAPOS NG ELEKSIYON, BAKA BUMAGSAK NA NAMAN ANG EKONOMIYA SA KANANAKAW NG MGA BUWAYA--Ang nakalulungkot, pagkatapos ng eleksiyon ay baka bumagsak na naman ang ekonomiya at marami na namang Pinoy ang makaranas ng gutom.
Tiyak kasi na ang aatupagin ng mga magwawaging trapo sa halalan ay magnakaw sa kaban ng bayan, para mabawi ang kanilang ginasta sa eleksiyon.
Ganyan ang istayl ng mga trapo, magpapakagalante sa panahon ng eleksiyon at kapag nanalo ay magnanakaw na naman sa kaban ng bayan, buwisit!
◘◘◘
SA ELEKSIYON, BUWENAS ANG MGA POLITICAL LEADER AT COORDINATOR--Ngayong eleksiyon, marami rin sa ating mga kababayan ang nagkakaroon ng "hanapbuhay" bilang political leader at coordinator.
Pero ang masaklap, pagkatapos ng eleksiyon ay jobless na naman sila, nganga na naman kasi ang mga kandidato na kanilang natulungang manalo sa eleksiyon, walang nang pakialam sa kanila, gutom na naman sila, samantalang ang mga kandidato na kanilang tinulungang ikampanya para manalo ay busog -- hindi lang sa pagkain, kundi pati sa pera at kapangyarihan, boom!





Comments