top of page

Mga botanteng nagpa-reactivate, umabot na sa 600K

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 19, 2024
  • 2 min read


Boses by Ryan Sison

Nakakatuwang malaman na mas maraming kababayan ang nagpahayag ng kanilang kagustuhan at nais na muling bumoto para sa darating na eleksyon. 

Mahigit 600,000 deactivated na mga botante kasi ang nag-apply para sa kanilang reactivation para sa 2025 national at local elections. 


Ayon kay Commission on Elections (Comelec) spokesperson John Rex Laudiangco, umabot sa 6.4 milyon ang aplikasyon na kanilang natanggap. Mula sa naturang bilang, 3.3 milyon dito ang nadagdag na mga bagong botanteng nairehistro. Nasa 2.6 milyon ang new voters habang mahigit na 600,000 ang nagpa-reactivate ng kanilang registration.


Sinabi rin ni Laudiangco na inaasahan nilang sa dalawang natitirang linggo para sa registration, mas darami pa ang mag-apply na bagong rehistradong botante, at lalung-lalo na iyong mga na-deactivate.


Batay sa Comelec ang deadline sa online application para sa reactivation ay na-extend mula September 7 hanggang September 25, 2024. 


Paliwanag pa ng opisyal na ang proseso sa pag-reactivate ay pareho ng iba’t ibang klase ng aplikasyon. Aniya, ang kanilang application ay ipapaskil sa iba’t ibang bahagi ng lungsod o bayan.


Sa pinakahuling datos mula sa poll body ay makikita na ang bilang ng mga deactivated voters para sa 2025 May elections ay nasa 5,376,630 hanggang nitong September 11. 

Ang mga rason sa delisting naman ay ang hindi pagboto sa dalawang magkasunod na preceding ng regular elections, by court order, pagkawala ng Filipino citizenship, at pagkakaroon ng mga non-valid documents. 


Muling iginiit ni Laudiangco ang panawagan ng Comelec para sa mga deactivated voters na mag-apply na para sa kanilang reactivation. Aniya, maaari mag-apply online hangga’t mayroon silang kumpletong biometrics sa local Comelec office kung saan sila nagparehistro.


Mabuti at dumami na uli ang nagnanais na tuldukan ang kanilang mga balota para ilagay sa puwesto ang mga pinuno ng ating bansa.


Kung dati ay nag-aalangan pang magparehistro, ngayon ay nagdesisyon at handang-handa na silang bumoto sa eleksyon. 


Gayunman, piliin lang sanang maigi ng bawat botante ang mabuti, tapat at totoong maglilingkod sa mamamayan at sa bayan na mga kandidato. 


Pakaisipin din sana na ang dapat na mamuno sa atin ay iyong puno ng pagmamalasakit, pagmamahal sa kapwa, pusong handang magserbisyo at may takot sa Diyos, nang sa gayon ay mailuklok talaga natin ang karapat-dapat na mga lider ng ating bansa.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page