Mga biktima ng lindol kawawa na nga, binigyan pa ng binubukbok na bigas, tsk!
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 14, 2026

KAPAG NAGING PRESIDENTE SI VP SARA, LAGOT ANG GATCHALIAN BLOC — Ikinasa na ni Senate President Pro Tempore at acting Senate President Sherwin Gatchalian sa June 18, 2026 ang pre-trial conference sa kasong impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Ibig sabihin niyan ay desidido ang Gatchalian bloc na ma-impeach na si VP Sara.
Kaya lang ang problema nila r’yan ay kapag hindi na-impeach si VP Sara, tapos nanalo pa ito sa 2028 presidential election. Naku, asahan na ng Gatchalian bloc na lagot sila sa anak ni Digong. Boom!
XXX
MALABONG MAKAKUHA NG 16 VOTES ANG GATCHALIAN BLOC PARA MA-IMPEACH SI VP SARA — Para ma-impeach si VP Sara ay kailangan ang 16 boto ng mga senator-judges para mapatalsik sa puwesto ang bise presidente, at sa tingin natin ay malabong makakuha ng 16 votes ang Gatchalian bloc para patalsikin sa posisyon ang bise presidente.
Sa ngayon kasi ay 12 senador lang ang nasa Gatchalian bloc, at ipagpalagay nang madagdagan pa sila ng isang senador, bale 13 senador lang sila at kung titingnan ang mga senador na nasa Cayetano bloc ay puro pro-Duterte senators ang mga ito, kaya ‘yung inaasam-asam ng Marcos administration na ma-impeach si VP Sara ay malabo talagang mangyari. Period!
XXX
PAYAGAN MAN MAG-VIDEO CONFERENCING SI SEN. DELA ROSA, HINDI SIYA GAGAMIT NIYAN DAHIL MATUTULAD SIYA KAY EX-COL. DUMLAO NA NATIMBOG DAHIL SA LIVE VIDEO — Ang mastermind sa pagkidnap at pagpatay kay Korean businessman Jee Ick Joo na puganteng si ex-Col. Rafael Dumlao ay natunton at nahuli ng mga otoridad dahil sa pag-live video nito sa kasal ng kanyang anak sa Quezon City.
Kaya sakaling maaprub sa Senado ang teleconferencing ay tiyak hindi magbi-video teleconferencing si Sen. Ronald Dela Rosa na may kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC), kasi sa totoo lang kapag gumamit siya niyan para makalahok sa mga session sa Senado, matutulad siya kay ex-Col. Dumlao na matitimbog ng mga otoridad. Boom!
XXX
REKLAMO TUNGKOL SA BIGAS NA MAY BUKBOK NA IBINIGAY SA MGA EARTHQUAKE VICTIMS, DAPAT IMBESTIGAHAN NI DSWD SEC. GATCHALIAN — Nagrereklamo ang mga biktima ng lindol sa Mindanao kasi ang ibinigay daw sa kanilang bigas ng Marcos admin ay may bukbok, pero ayon naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay maayos na bigas at wala raw bukbok ang ipinamahagi nila sa mga earthquake victims.
Dapat paimbestigahan ito ni DSWD Sec. Rex Gatchalian kasi baka ang maayos na bigas na ipinadadala nila sa iba't ibang branch ng DSWD sa Mindanao ay pinapalitan ng bigas na may halong bukbok, at kung sinuman ang gumawa nang ganitong kabalbalan dapat kasuhan dahil hindi talaga katanggap-tanggap na kaawa-awa na nga ang kalagayan ng mga biktima ng lindol, mas pinagmukha pang kaawa-awa sa ibinibigay na bigas na may halong bukbok. Tsk!





Comments