top of page
Search
BULGAR

Mga benepisyaryo ng Malasakit Centers, umabot na sa 12M

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 11, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Noong 2018 ay sinimulan natin ang programang Malasakit Center kung saan pinagsama-sama sa iisang bubong ang medical assistance programs ng gobyerno. Sa ganitong paraan, hindi na magpapalipat-lipat pa ang mga pasyente para pumila sa mga ahensyang ito at humingi ng tulong sa kanilang pagpapaospital. Sa pamamagitan ng Republic Act No. 11463, o ang Malasakit Centers Act of 2019 na tayo ang principal author at sponsor, na-institutionalize at naisabatas ang Malasakit Centers. 


Sa datos ng DOH, umaabot na sa halos 12 milyon ang bilang ng mga Pilipinong nakabenepisyo sa Malasakit Centers program — at patuloy itong nadaragdagan araw-araw. Mayroon na tayong 166 Malasakit Center sa buong bansa na handang tumulong sa inyong pampagamot lalo na sa mga mahihirap at walang ibang malapitan maliban sa gobyerno.  


Bilang inyong Mr. Malasakit, binibigyang-diin din natin ang department memorandum ng DOH na walang dapat matanggihang pasyente sa pampublikong ospital lalo na sa mga may Malasakit Centers dahil may mga pondo at programa naman na maaaring tumulong sa kanila sa pagpapagamot. Hindi dapat pahirapan sa paghingi ng tulong mula sa pamahalaan ang mga Pilipinong naghihirap na dahil sa sakit. Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino.


Bukod sa Malasakit Centers, isinusulong din natin ang pagpapatayo ng Super Health Center sa buong bansa upang ilapit ang pangunahing serbisyong medikal sa mga komunidad. Mayroong mahigit 700 Super Health Centers na napondohan sa ngayon sa tulong ng ating mga kapwa mambabatas, LGUs at DOH upang magbigay ng primary care, medical consultations, at early disease detection lalo na sa malalayong lugar. 


Principal sponsor at isa rin tayo sa may akda ng Republic Act 11959, o ang Regional Specialty Centers Act, na naging ganap na batas na. Itinatakda nito ang pagtatayo ng specialty centers sa existing DOH regional hospitals. Malaking tulong ito sa mga pasyente dahil hindi na sila luluwas pa sa Metro Manila kung saan naroon ang national specialty centers, at hindi na sila mamomroblema sa pamasahe, pagkain at matutuluyan. 


Kahapon, September 10, pinangunahan natin ang pagdinig ng Senate Health Committee bilang chairperson nito upang talakaying muli ang estado ng ating healthcare system sa bansa. Hinimok natin ang PhilHealth na taasan ang kanilang case rates, palawakin ang benefit packages, tanggalin ang kanilang Single Period of Confinement Policy, at irekomendang babaan ang premium contribution ng direct members. 


Tinututulan din natin ang pagta-transfer ng P89.9B na excess funds ng PhilHealth sa National Treasury na parte ng P500B na reserve funds na nakatengga lang habang napakaraming Pilipinong may sakit ang naghihingalo dahil hindi napapakinabangan ang pondong ito. Sa PhilHealth, huwag sanang puro promises. Kailangan natin ng aksyon upang magamit nang wasto ang pondong pangkalusugan para proteksyunan ang kalusugan ng bawat Pilipino! 


Ang trabaho ng isang senador ay hindi lang sa pagpasa ng mga batas. Trabaho rin namin maliban sa legislation ay constituency at representation. Kaya naman walang tigil ang aking pagtatrabaho. Kung ano ang makakatulong sa ating mga kababayan ay gagawin ko sa abot ng aking makakaya. 


Nasa Davao Oriental tayo noong September 7 at personal na sinaksihan ang turnover ng Super Health Center sa Manay. Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng tulong sa 2,250 low-income earners katuwang si Mayor Jon Marco Dayanghirang na sinuportahan nina Cong. Nelson Dayanghirang at Vice Governor JR Dayanghirang. Dumiretso naman tayo sa Davao de Oro at sinaksihan ang turnover ng Super Health Center sa Nabunturan. Nagbigay tayo ng tulong sa mga barangay health workers doon. 

Bumisita naman tayo sa Batangas noong September 9 at sinaksihan ang inagurasyon ng Super Health Center sa Taysan kasama si Mayor Edilberto Abaday. Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng tulong para sa 584 residenteng nawalan ng hanapbuhay, na sa ating inisyatiba ay nabigyan ng pansamantalang trabaho. Bilang adopted son ng CALABARZON, patuloy akong magseserbisyo lalo na sa mga kapwa ko Batangueño. 

Samantala, ang aking Malasakit Team ay patuloy na tumutulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis. Nahatiran natin ng food packs ang mga naapektuhan ng Bagyong Enteng kabilang ang 500 sa Camarines Sur; 250 sa Pililla at 100 sa Binangonan, Rizal. 


Binalikan natin at muling tinulungan ang 285 biktima ng sakuna sa Molo District, Iloilo City. Nakatanggap din sila ng emergency housing assistance mula sa NHA na ating isinulong para may pambili sila ng materyales sa pagpapaayos ng kanilang bahay. 

Nagbigay tayo ng suporta sa mahihirap nating kababayan na napagkalooban din ng tulong pinansyal ng gobyerno kabilang ang 162 sa Ormoc City katuwang si Councilor Lalaine Marcos; at 80 sa Libungan, North Cotabato kaagapay sina Mayor Angel Cuan at VM Jim Fullecido. 


Nag-abot tayo ng tulong sa mga nawalan ng hanapbuhay, na atin ding natulungang mabigyan ng pansamantalang trabaho. Sa Romblon, naging benepisyaryo ang 45 sa Alcantara katuwang si VM Adrio Galin Jr.; at 75 sa Looc kaagapay sina VM Ismael Osorio, Jr. at Councilor Adrian Gaytano Jr. Sa Batangas, 50 sa San Jose kasama natin si BM Atty JP Gozos; 66 sa Ibaan katuwang sina VM Juvy Mendoza at ABC President Reggie Virtucio; at 50 sa Rosario kaagapay si VM Tany Zara. 


Mga nawalan pa rin ng hanapbuhay ang ating inalalayan sa Laguna kabilang ang 585 sa Paete katuwang sina Mayor Ronald Cosico, VM Papa Ver Madridejos, SK chairs at mga konsehal; at 89 sa Santa Cruz kaagapay si Coun. Lea Alago Almarvez. Natulungan din ang 177 sa Tarlac City kasama natin si Mayor Cristy Angeles; 59 sa San Fernando City, La Union katuwang si Mayor Dong Gualberto; 93 sa Carcar City, Cebu kaagapay si Kap. Schubert Veloso; at 111 sa Tagana-an, Surigao del Norte kasama si Mayor Cesar Diaz Jr.

Tandaan natin, minsan lang tayong daraan sa mundong ito. Kung anong kabutihan o tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. Ako ang inyong Senator Kuya Bong Go na patuloy na magseserbisyo sa inyong lahat, dahil bisyo ko na ang magserbisyo at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo iyan sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page