top of page

Mga benepisyaryo na mawawala sa programang TUPAD, mabigyan sana ng tulong

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 23
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | October 23, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa panahon ng krisis at kalamidad, hindi lahat ng bayani ay nakasuot ng uniporme, minsan, sila ay nakatsinelas, may sakong dala-dala, at may hawak na walis. Sila ang mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE), mga ordinaryong manggagawang umaasa sa pansamantalang kabuhayang handog ng gobyerno. 


Sa deliberasyon ng 2026 budget, isiniwalat ni Sen. Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, na halos isang milyong benepisyaryo ng TUPAD ang posibleng maapektuhan ng pagbawas ng budget. Mula sa P18 bilyon — P12.24 bilyon na lang ang nakalaan para sa TUPAD at sa Government Internship Program (GIP). 


Ayon sa DOLE assistant secretary, malaki ang epekto nito lalo na sa mga nawawalan ng trabaho tuwing may bagyo, lindol, o sakuna. Aniya, kung lumiit ang suporta, bababa hindi lang ang bilang ng matutulungan kundi pati ang kalidad ng tulong sa mga pinakaapektado. Ipinaliwanag naman ni DOLE Secretary Bienvenido Laguesma na 50 porsyento ng apat na milyong benepisyaryo ng TUPAD noong 2024 ay tinulungan dahil sa sunud-sunod na kalamidad sa bansa. 


Bagaman tiniyak ni Gatchalian na may natitirang pondo para sa mga lugar na laging tinatamaan ng bagyo kasabay naman nito ang pagbabawas ng isang milyong manggagawa sa saklaw ng programa. 


Gayunman, nitong nakaraang buwan isang mambabatas ay nagpanukala ng realignment ng P46 bilyon mula sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa flood control projects, kung saan P14.82 bilyon ay idinagdag sa TUPAD. 


Sa kabila ng lahat, nananatiling malinaw na ang TUPAD ay hindi luho kundi sandigan ng mga Pinoy sa hirap ng buhay. Ito ang pundasyon ng mga nawalan ng kabuhayan at pag-asa. Ang bawat piso ng programang ito ay sumasalamin sa bawat araw na inilalaan ng manggagawang Pinoy. 


Marahil, nararapat lamang na mas paigtingin pa ang mga programang nagbibigay-lakas sa masa. Kailangang mag-isip ng paraan ang gobyerno upang ang mga apektadong kababayan ay patuloy na suportahan sa kanilang kabuhayan. 


Hindi lang ito usapin ng budget, ito ay usapin ng pagkalinga. Dahil sa bawat trabahong pansamantala lamang, may pangarap na gustong magpatuloy.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page