Mga bagong survey firm na todo-suporta kay Mayor Sara, biglang nagsulputan
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 04, 2021
HABANG NABABATIKOS SI P-DUTERTE TUNGKOL SA AYUDA, SINABAYAN ITO NG SURVEY NG UP-OCTA NA PATOK SA ELEKSIYON ANG DUTERTE-DUTERTE 2022—Dahil wala pang naibibigay na ayuda ang Duterte gov’t. sa mga maapektuhan ng lockdown sa Metro Manila mula Agosto 6 hanggang 20, 2021 ay pinutakti na naman ng batikos ng publiko si P-Duterte, at habang nababatikos ay biglang naglabas ng survey ang University of the Philippines (UP)-OCTA Research Group na top sa rating ang mag-amang Duterte sa halalaan 2022.
Talagang itinaon ng UP-OCTA paglalabas ng survey na pabor sa mag-amang Duterte habang nakatikom ng batikos si P-Duterte.
Patunay ‘yan na hindi lahat ng mga taga-UP ay aktibista, ‘yung iba DDS, boom!
◘◘◘
GOOD NA SURVEY ANG PANTAPAT NG MGA SURVEY FIRMS SA MGA BAD NEWS SA DUTERTE GOV’T.—Kapuna-puna na sa tuwing may bad news laban sa Duterte govt. ay naglalabas ng pabor sa gobyerno na survey ang mga survey firms.
Last year nang mabatikos ang Duterte gov’t. dahil sa mahinang response sa laban sa COVID-19 ay agad naglabas ng survey ang Pulse Asia na 92% ang performance rating ng Duterte gov’t, at pagkaraan ay sinundan nila ito na malakas umano ang Duterte-Duterte tandem sa 2022 election; nang mabatikos sa pagpapabaya kaya nakapasok sa Pilipinas ang Delta variant ay naglabas ng survey ang Publicus Asia na patok sa halalan ang Duterte-Duterte tandem at ito ngang huli, nang mabatikos sa ayuda, sabi ng UP-OCTA top sa halalang 2022 ang mag-amang Duterte.
Dahil d’yan, nagmimistulang campaign manager na ng Duterte-Duterte tandem ang mga survey firms na ito, period!
◘◘◘
MAY SUMULPOT NA SURVEY FIRM, ‘TOP PERFORMING’ MAYOR DAW SA ‘PINAS SI MAYOR SARA—Habang nalalapit ang halalan 2022 ay may mga nagsusulputang survey firm, tulad ng RP-Mission and Development Inc.
Ayon sa RP-Mission and Development Inc., naglunsad sila ng survey tungkol sa performance ng mga mayor sa buong Pilipinas, at ang lumabas na top performing mayor ng bansa ay si Mayor Sara Duterte-Carpio, boom!
◘◘◘
AYAW MABATIKOS NG SWS KAYA AYAW NILANG MAGLABAS NG SURVEY TUNGKOL SA PULITIKA?—Sa ngayon ay wala pang inilalabas na survey ang SWS patungkol sa nalalapit na halalang 2022.
Siguro kaya ayaw maglabas ng survey ang SWS na may kaugnayan sa pulitika ay ayaw nilang mabatikos kasi kapag naglalabas ng survey ang Pulse Asia, Publicus Asia at UP-OCTA na patok ang “Duterte-Duterte” tandem sa 2022 election ay pinuputakte sila ng batikos ng netizens sa social media, period!





Comments