Mga bagong graduate, huwag hayaang maging tambay
- BULGAR

- Aug 16
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | August 16, 2025

Nakakalungkot isipin na ang paniniwala na kapag may diploma ka, tiyak na magkakaroon ka na ng magandang trabaho ay tila naglalaho na.
Ito ay dahil sa datos ng Commission on Higher Education (CHED), malinaw na may krisis sa pagkakaroon ng trabaho para sa mga bagong graduate, isang realidad na dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno, industriya nito at mismong mga paaralan. Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, tumaas ng 2.6 percent ang unemployment rate ng mga Pinoy college graduates batay sa June 2025 Labor Force Survey ng Department of Labor and Employment (DOLE), mula 35.6% noong Disyembre 2024.
Ang masaklap pa, karamihan sa mga natanggap sa trabaho ay napunta sa mababang skilled na posisyon na hindi nangangailangan ng college diploma.
Sa ginanap na DOLE job fairs nitong Enero 2025, 3,364 lamang sa 25,876 aplikante ang natanggap, at hindi pa sa trabahong tugma sa kanilang pinag-aralan.
Bagama’t bumaba ang pangkalahatang unemployment rate ng bansa sa 3.7% noong Hunyo 2025, hindi nito nabubura ang malalim na problema ng job-skill mismatch.
Sa datos ng 2023 Social Weather Survey, pinakamataas ang joblessness sa hanay ng college graduates na nasa 22.1%, kumpara sa 8.7% lamang sa mga hindi nakatapos ng elementarya.
Sa konteksto ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), ang mga bansang gaya ng Malaysia, Vietnam, Singapore at Thailand ay mas malinaw ang ugnayan ng edukasyon at pangangailangan ng industriya, isang bagay na tila kapos tayo.
Dagdag naman ni Agrupis, kailangan ng malalim na reporma upang maging mas makabuluhan at produktibo ang trabaho ng mga Pilipino.
Matatandaang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address ang kahalagahan ng edukasyon bilang pundasyon ng pag-unlad. Subalit, kung hindi natin iaayon ang kurikulum at training sa totoong demand ng merkado, mananatiling papel lamang ang diploma. Hindi sapat na palakihin ang bilang ng mga graduate, kailangang matiyak na ang kanilang pinag-aralan ay may silbi sa hinaharap.
Ang edukasyon ay hindi dapat maging pangarap lang na magandang pakinggan, kundi konkretong tulay patungo sa matinong kabuhayan at kinabukasan. Kung hindi, mas lalong dadami ang mga may titulo ngunit walang trabaho, habang unti-unting masisira ang tiwala ng kabataang mag-aaral sa halaga ng edukasyon.
Bilang isang mamamayan at produkto ng sistemang pang-edukasyon, nakakalungkot makita na matapos mong suungin ang apat o higit pang taon ng sakripisyo at gastos sa pag-aaral, wala pa ring kasiguraduhan na magkakaroon ng trabahong tugma sa iyong kurso. At ang nagiging resulta ay mas dumarami ang mga nagsipagtapos na tambay.
Hindi ito simpleng usapin ng swerteng may hanapbuhay matapos ang kolehiyo, ito ay malinaw na senyales ng kakulangan sa koordinasyon ng pamahalaan, edukasyon, at industriya. Kung patuloy nating pababayaan ang mismatch, at hahayaan ang problemang ito, posibleng mabuo ang isang henerasyong ayaw nang mangarap.
Ang edukasyon ay isa sa mga puhunan at maituturing na pundasyon ng bayan, ngunit dapat ay siguraduhin nating may balik ito para sa kinabukasan ng mga kabataan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments