Mga babaeng biktima ng karahasan, walang makapitan
- BULGAR
- Mar 6, 2024
- 2 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Marso 6, 2024
Nakakagalit na nadaragdagan pa ang bilang ng mga kababaihan sa bansa na dumaranas o nakaranas ng karahasan o pananakit, sa gitna ng maraming naipasang batas na naglalayong magbigay proteksyon sa kanila.
Sa talang ibinahagi kamakailan ng Philippine Commission on Women, nasa 13 porsyento ng mga kababaihan na edad 15 hanggang 49 ang nakaranas ng pisikal na karahasan mula gulang na 15.
Ito ay base pa lamang sa mga iniulat ng mga nasabing kababaihan at hindi kasama ang mga hindi nag-report ng kanilang sitwasyon. Kaya tiyak na mas mataas pa ang aktuwal na bilang ng mga babaeng dumanas ng pisikal na karahasan sa iba’t ibang pagkakataon.
Sa kabilang banda, dumarami na rin ang mga babaeng hindi natatakot na lumabas at lumaban sa nararanasang karahasan. Kaya nga nakikita na natin na tumataas ang bilang ng mga kababaihan sa bansa na naging biktima.
Sa ibang bansa tulad ng Amerika, may kadalian ang paghingi ng tulong sa pamamagitan ng pagtawag sa tatlong numero lamang tulad ng 911 at pupuntahan na ang humihingi ng tulong sa kanyang kinaroroonan para masaklolohan.
Ngunit dito sa Pilipinas, marami pa ring kababaihan ang nag-aalinlangang lumantad at magpasaklolo sa maraming kadahilanan, na dapat nating maiwaksi sa kanilang isipan at sitwasyong kailangang maisaayos para makumbinse sila na mayroong maaaring lapitan at dadamay sa kanila hanggang sa maging mabuti ang kanilang kalagayan.
Saligan ng mga babae ang batas na Republic Act 9262 o Violence Against Women and their Children Act na ipinasa noong 2004. Naglalayon itong protektahan ang ating mga kababaihan laban sa karahasan na hindi lamang iyong pisikal kundi pati sekswal, sikolohikal na karahasan, gayundin ng ekonomikong pang-aabuso tulad ng pagkakait ng pinansyal na suporta sa isang ina at kanyang mga anak.
Sa kabila ng batas na ito, marami pa ring kababaihan ang pinipiling huwag maghain ng reklamo gamit ang puwersa ng batas na ito sapagkat nagbabakasakali pa rin silang maaayos ang kanilang sitwasyon nang hindi napipilitang kasuhan ang kanilang abuser o nang-aabuso.
Sadyang napakamatiisin ng maraming Pilipina hanggang sa puntong hindi na dapat dahil rin sa konserbatibong pananaw ng ating lipunan, kung saan inaasahan ang mga babaeng huwag basta iwanan ang kanilang asawa at maging instrumento sa pagbabago nito ng disposisyon at pakikitungo.
Wala pang diborsyo rito sa atin, at napakamahal at tagal naman ng proseso ng annulment na hindi rin kakayaning itawid at gastusan ng maraming babae sa bansa.
Sa pangkalahatang sitwasyon ngayon, marami pa ring dapat gawin para sa napapanahong matulungan ang mga babaeng dumaranas ng karahasan.
Kailangan ng buong pagtutulungan ng mga kaukulang departamento at ahensya ng gobyerno, maging ng mga lokal na komunidad. Hindi natin alam na maaaring ang lagi nating kausap na akala nating walang problema ay dumaranas pala ng iba’t ibang uri ng karahasan, kasama na ang mental at emosyonal.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.








Comments