top of page

Mga apektado ng pagsabog ng Mt. Kanlaon, agad tulungan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 10
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Apr. 10, 2025



Boses by Ryan Sison

Sa panahon ng sakuna o anumang kalamidad lumalabas ang totoong katangian ng mga Pinoy, ang mapagmalasakit at pagiging matulungin sa kanilang kapwa, at handa ring magbigay hindi lang ng mga donasyon kundi pati na rin ang kanilang oras para makapagserbisyo sa mga nangangailangan.


Matapos na sumabog ang Mt. Kanlaon sa Negros Island nitong Martes ay marami sa mga residente ang labis na naapektuhan.   


Kaya naman nanawagan na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga nais mag-volunteer upang tumulong sa pag-repack ng mga family food packs para sa relief operations sa mga pamilyang apektado ng Mt. Kanlaon eruption.


Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao ng Disaster Response Management Group (DRMG), kailangan na ngayon ng mas maraming manpower sa National Resource Operations Center (NROC), ang pangunahing disaster response hub ng kagawaran na matatagpuan sa Chapel Road sa Barangay 195, Pasay City.


Umapela si Dumlao na tulungan sila sa ginagawang relief effort, lalo na sa mga nasa National Capital Region (NCR) at kalapit na lugar upang matiyak ang mabilis na paghahatid ng tulong sa mga komunidad doon. Aniya, ngayon na ang perpektong oras para isabuhay ang ating pakikiramay at ang diwa ng Bayanihan na nananatili sa puso ng bawat isa.


Ang mga volunteer ay hinihiling na magsuot ng kumportable damit at closed shoes, at magdala na rin ng sariling bottled water at kanilang pagkain.


Agad na ring inatasan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang mga concerned DSWD field offices na makipag-ugnayan sa mga apektadong local government units (LGUs) at iba pang kinauukulang ahensya para i-monitor ang pangangailangan ng mga apektadong pamilya.


Sinabi naman ni Dumlao na tiniyak nila sa mga LGU na maaari silang humiling ng resource augmentation anumang oras, kung saan estratehikong inilagay na nila ang mahigit 150,000 kahon ng mga FFP sa Negros Island para sa mas tuluy-tuloy na relief operations sa lugar.


Batay sa latest report ng Disaster Response Operations Management, Information Communication ng kagawaran, 12,761 pamilya ang apektado ng pagputok ng Mt. Kanlaon. 


Sa naturang bilang, 2,608 pamilya ay pansamantalang nanunuluyan sa 22 open evacuation centers, habang 3,702 pamilya naman ang nananatili muna sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan.


Aniya, magdaragdag pa sila ng milyun-milyong boxes ng food packs habang dumarami naman ang mga pamilyang kailangang tulungan. 


Mula nang sumabog ang Mt. Kanlaon noong Disyembre 9, sinabi ni Dumalo na ang DSWD ay nagpaabot na ng mahigit P131 milyong halaga ng humanitarian assistance sa mga apektadong pamilya at indibidwal sa lugar.


Dapat talagang sama-sama at agad kumilos ang kinauukulan at ang taumbayan sa relief operation para sa mga kababayang naapektuhan ng pagsabog ng naturang bulkan. 


Wala silang ibang maaasahan kundi tayo na puwedeng sumuporta o umalalay sa kanila sa bigat ng nararanasan nila ngayon. Alalahanin na lamang natin na mas mabuting tayo ang tumutulong kaysa tayo pa ang tinutulungan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page