Mga anak kina Jomari at Martin Jickain… ANDRE, IBINUKING NA MAS FAVE NI AIKO SI MARTHENA
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | August 15, 2022

"Questions I’ve never asked my mom and questions I’ve never asked Andrei" ang topic ng vlog ni QC District 5 Councilor Aiko Melendez kasama ang panganay na anak na si Andre Yllana na in-upload kahapon, 3 PM.
Bago nagtanong si Konsi Aiko sa anak ay pinaalalahanan nito na anuman ang pag-usapan nila sa vlog ay sana, hindi roon magtapos ang relasyon nilang mag-ina. Ipinauna na rin nitong anything goes ang tsikahan at hindi nila alam kung ano ang magiging topic.
Unang tanong ng konsehala, “Totoo bang single ka lately?”
“Oo naman! Single talaga ako for the longest time, two years na,” mabilis na sagot ng binata.
Mas pinili ni Andre na wala munang karelasyon dahil "Una sa lahat, gusto ko kasing matutunan ang self-love. Gusto ko ring kilalanin ang sarili ko more at siguro dahil medyo na-trauma ako kasi toxic relationship, eh. But to be honest, nami-miss ko nang magka-dyowa.”
Pero hindi in a rush na magkaroon kaagad ng dyowa ang binata ni Konsi Aiko dahil gusto pa rin nito ng self-love. Hanggang crushes lang muna siya na tinukso ng nanay niya dahil 24 years old na, crush-crush pa rin.
Diretsong tanong ng mama ng aktor na mina-manage ngayon ng Viva Artist Agency, “Minsan ba, nagselos ka kay Marthena (Jickain) na kapatid mo?”
“Oo naman!” mabilis na sagot ng panganay ni Aiko sa ex-husband na si Jomari Yllana.
“Iba kasi kapag pinalaki mo ang lalaki saka ang babae. Mas tutok ‘yung sa babae siyempre siguro dahil babae ka, tapos si Mimi (palayaw ni Marthena), babae rin.
“So, may mga times, naisip ko na if I were a girl, ganu’n din kaya ‘yung treatment? Dumating pa nga sa point, naisip ko na ‘Hala, baka may favoritism?’” pagtatapat ng binata.
Na-bother bigla si Aiko, “May favoritism ba ako minsan?”
“Oo!” sabi kaagad ng binata, “pero okay lang kasi nga babae si Mimi.”
“But you never took it against me?” tanong ng aktres-pulitiko sa anak.
“Hindi naman, may mga times lang na tampo ako, ganu’n, pero hindi para magtagal ng more than a day,” saad ni Andre.
“Pero 'di ba, kapag nagkakasamaan tayo ng loob, actually, mas ako ‘yung umaamo sa ‘yo?
Baligtad, 'di ba? ‘Yung nanay ang umaamo sa anak.
“Kasi last time na nagkaroon tayo ng misunderstanding, naalala ko, ayaw mo akong harapin, 'di ba? Bakit ayaw mo akong harapin?” tanong nito sa anak.
“Ayoko kasing may masabing masakit dahil galit ako kaya may tampo ako. Iyon ‘yung isa sa mga natutunan ko these past years na 'Don’t make decision when you’re mad, when you're sad o kasi, baka i-regret mo.'
“Na-realize ko rin recently na mas gugustuhin ko pang makasakit physically kaysa words kasi ‘yung words, buong buhay mong dadalhin kaya iniiwasan ko,” paliwanag mabuti ng binata.
Sa tanong ni Konsi Aiko, “Wala pa naman akong nasabi sa ‘yong hurtful words na dinadala mo hanggang ngayon?”
“Wala naman,” tugon kaagad ng panganay niya.
Dagdag pa, “Pero may mga nasabi kayo sa akin kasi pasaway ako kaya okay lang naman ‘yun, understood.”
At bilang single mom at lumaki sina Andre at Marthena na ina ang kasama nila sa buong buhay nila, sa tingin niya ay may pagkukulang pa ba ang mama nila?
“O baka may mai-improve pa ako as a mother to you and to your sister?” tanong ni Aiko.
“Ako kasi, the way I see people, regardless kung family o hindi, lahat ng tao kasi, may pagkukulang. May sarili silang paraan kung paano iko-cope ‘yung sarili nila. Kunwari, mainitin ang ulo nito, pero napakalambing naman.
“So, parang may balance naman ‘yun, Mom. Siyempre, lahat naman tayo, may pagkukulang, pero para sa akin, kahit may mga ganu’n, never kang naging kulang as a parent kasi sobra-sobra pa.
“Saan ka nakakita ng ganu’n, tapos you raised us kung sino kami ngayon. Kaya I’m very proud of you!” madamdaming sabi ni Andre sa ina.
“Oh, thank you, anak (pinigilang maluha). Andre, sa tingin mo, minsan, nakukulitan ka sa akin?
Ha, ha, ha,” tanong pa ni Aiko.
“Oo naman! Lalo na kapag may ipinapagawa ka sa akin na certain things,” sambit ng binata.
At ang madalas ay ang makapal na kilay ni Andre na pinakikialaman ni Aiko dahil nga nagsasalubong at kailangang ipaayos, na bagay na ayaw ng binata dahil naiilang siyang ipagalaw ito sa iba kaya mama niya mismo ang nag-aahit.
Protective masyado si Andre sa kapatid niyang si Marthena at sana raw ay huwag matutong manigarilyo ang dalagita kasi nga nagyoyosi ang binata.
“Sa totoo lang, ayoko na talagang magyosi, pero nahihirapan akong (tanggalin). Pero ngayon, for the longest time, medyo naba-balance ko na ‘yung pagyoyosi,” pag-amin nito.
At ang gustong mabago ng binata sa sarili ay ang pagkawala niya ng “lack of confidence.”
“Oo nga, saan ka ba nanggagaling du’n?” tanong ni Aiko sa anak.
“Tingin ko, laging may kulang sa akin. Hindi ko nga alam, eh. Siguro dahil sa mga napagdaanan sa buhay ng normal na tao,” saad nito.
Ano ang bagay na ipinagpe-pray ni Andre na sana, finally ay makuha na niya bilang wish niya sa kaarawan niya sa Setyembre?
“Una, gusto ko na talagang sumikat like you (Mama) to that level.
“Pangalawa, gusto ko na talagang kumarera,” sabi ng binata.
Ang Lolo Dan Castañeda ni Andre ang dahilan kung bakit siya nagising na gusto na niyang sumikat dahil bago ito nawala ay sinabihan siyang hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng pagkakataong sumikat.
At that time kasi ay hindi pa handa ang anak ni Aiko na magseryoso sa showbiz pero ngayon ay nauntog na raw siya.
Isa pang ikinatatakot ni Andre ay baka hindi niya ma-reach ang standard na hihingin sa kanya ng direktor dahil nga magaling umarte ang nanay niyang si Aiko Melendez. Pero sinabihan siya ng ina na nakakausap nito ang mga direktor ng anak at gustung-gusto nila ang magandang ugali ng aktor.
“Hindi na ako magne-name names kasi ‘yung ibang anak ng artista na magagaling, feeling nila, gate pass na nila ‘yun na 'Anak ako ni ganyan, so dapat, tratuhin ninyo akong ganu’n.' In fairness, ang feedback ng mga directors mo, napaka-humble mo, napaka-down to earth mo.
“So, nakaka-proud bilang magulang na ‘yung anak mo, walang ere. So ‘yun ang bagay na gusto kong ipagpasalamat sa ‘yo kasi nasusunod mo ‘yung laging bilin ko sa 'yo,” pahayag ni Aiko sa anak.





Comments