Mg lider-lideran ng mahihirap, plastik, humaharbat na rin ng ‘pork barrel’
- BULGAR

- 6 hours ago
- 2 min read
ni Ka Ambo @Bistado | November 20, 2025

Pumasok na ang amihan.
Paalam Habagat.
-----$$$--
Tangay-tangay ng Amihan ang simoy ng tag-araw at Kapaskuhan.
Sa ngayon, magyeyelo sa dakong China at Russia kung saan ang lamig ay aabot sa klima ng Pilipinas.
-----$$$--
MABABAWASAN din ang patak ng ulan at bilang ng bagyo — pero sa dakong Mindanao — mananatili ang mga pulo-pulong pag-ulan.
Sa Luzon at Kabisayaan — makakaranas ng hindi ordinaryong tindi ng init.
-----$$$--
MARAMI ang nagtatanong: Ano ang mas gusto mong klima, tag-init o tag-ulan?
Sa tag-init, delikado ang kalusugan ng bata’t matanda lalo na ang mga nagdarahop na walang pambili ng air-conditioning unit.
----$$$--
SA tag-ulan, kaawa-awa rin ang mga nagdarahop dahil binabaklas ng bagyo ang kanilang mga bubong at dingding.
Pinakagrabe — karaniwang lumulubog ang lugar kung saan naroroon ang mga mahihirap bukod pa ang landslide.
-----$$$--
ANG mayaman at mahirap ay parehong apektado siyempre ng klima.
Sa personal nating tingin, higit na apektado ang mga nagdarahop tuwing tag-ulan — dahil sa baha, landslide.
----$$$--
KAHIT anong kalamidad, ligtas ang mga mayayaman sa pinakamayayamang pamilya.
Pero, sa panahon ng pandemic — o pamemeste ng COVID — mayaman at mahirap — ay nangamatay nang “walang gamot”.
----$$$--
KAHIT naman sa talamak na corruption — sa loob at labas ng gobyerno, ligtas din ang mayayaman.
Lalo pang yumayaman ang mayayaman at mas nagdarahop ang mga nasa laylayan.
-----$$$--
SAKALING magkaroon ng sorpresang pag-agaw ng poder sa gobyerno — at magkaroon ng kaguluhan, apektado rin ang mga naghihikahos.
Hindi naman totoo na natutulungan ang mga nagdarahop — sa alinmang rebelyon o rebolusyon.
----$$$--
KAPAG nagkakagulo o aktuwal na nagkapatayan sa pag-aagawan sa poder ng gobyerno — nakikinabang dito ang mga mayayaman na binabansagang “Ang Mga Oligarko”.
Ang oligarko — ay may kamandag dahil sa kanilang ka-bundok na salapi — at sa ayaw o sa gusto ng mga “AnakPawis” na nagbubuwis ng buhay — ang mga OLIGARKO pa rin ang kukumpas at kokontrol ng gobyerno.
----$$$--
Ang mga lider-lideran o mga umaaktong lider ng mga mahihirap ay mga mapagbalat-kayo at plastik — dahil kapag naupo sila sa gobyerno — gaya sa partylist system — humaharbat din sila ng “pork barrel”.
Suriin ninyo ang listahan sa “insertion scam” — ang mga partylist leader na naglilinis-linisan — ay sila-sila rin ang promotor ng garapalang corruption sa pamahalaan.
----$$$--
KAKAMBAL na ng Republika ng Pilipinas ang walang patumanggang pandarambong sa kaban ng bayan — maiupo man o hindi ang lider ng mga “nagdarahop”.
Sistema, iskema at modus operandi ang corruption — walang pagkakaiba ito sa “mafia at yakusa” — nagpapalit-palit lang ng personalidad na siyang aaktong “front” sa walang katapusang pagnanakaw.
Nananatiling kaawa-awa ang mga dati nang kaawa-awa sa pinakakaawa-awang antas ng lipunan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.








Comments