top of page

Mga kabataan, proteksyunan vs ilegal na tobacco products

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 29, 2025
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | May 29, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Ipagdiriwang natin sa darating na Sabado, May 31, ang World No Tobacco Day. Sa gitna ng inaasahan nating paggunita sa araw na ito, patuloy na nananawagan ang inyong lingkod para sa mas maigting na pagsugpo ng ilegal na kalakalan ng tobacco products, kabilang ang mga sigarilyo at vape. Mahalagang gawin natin ito upang itaguyod ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga kabataan.


Noong pinakahuling pagdinig natin sa Senado tungkol sa excise tax sa tobacco products, sinuri natin ang datos sa paggamit ng mga kabataan ng electronic cigarettes. Ayon sa 2021 National Tobacco Control Program, lumalabas na 20% ng mga kabataang 15 hanggang 24 taong gulang ang naiulat na gumagamit ng mga produktong ito.


Ayon naman sa isang pag-aaral na ginawa noong 2020 ng Tobacco Control Research Group, 12.5% ng mga mag-aaral sa high school ang gumagamit ng mga e-cigarettes o vape products. Paliwanag ng Philippine College of Physicians, senyales ito na dumarami ang mga kabataang nahihikayat sumubok ng mga vape products.


Sinuri din natin ang datos mula sa Food and Nutrition Research Institute at nakita nating bumaba ng 20 porsyento ang bilang ng mga kabataang may edad na 10 hanggang 19 na gumagamit ng mga manufactured cigarettes. Bagama’t maituturing itong magandang balita, tumaas naman ng 32.7 porsyento ang bilang ng mga gumagamit ng e-cigarettes.


Ngunit kung pagtutugmain natin ang mga gumagamit ng mga manufactured cigarettes at mga e-cigarettes, lumalabas na may 11 porsyentong katumbas ng halos 120,000 na bagong e-cigarette smokers.


Nakakabahala rin na halos 70 to 80 porsyento ng mga vape products sa bansa ay itinuturing na ilegal. Kung hindi natin susugpuin ang hamong ito, mas marami sa ating mga kabataan ang gagamit ng mga e-cigarettes. Malinaw sa mga pag-aaral na ang paggamit sa mga produktong ito ay nauugnay sa mga respiratory illness o mga sakit sa baga. Iniulat din ng Philippine College of Physicians na bagama’t mas pangkaraniwang makita sa mga pasyenteng 50 taong gulang pataas ang mga sakit na tulad ng chronic obstructive pulmonary disease (COPD), nai-report din ang pagkakaroon ng ganitong sakit sa mga kabataang may edad na 16 hanggang 21.


Kaya naman isinusulong ng inyong lingkod ang pagkakaroon ng isang interagency task force na susugpo sa ilegal na kalakalan ng mga excisable products, kabilang ang sigarilyo at vape. Maghahain ang inyong lingkod ng resolusyon upang isulong ang paglikha sa panukalang task force na ito.


Kailangan nating protektahan ang ating mga kabataan at hindi na natin maaaring ipagpaliban pa ang agarang aksyon.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page