- BULGAR
Meron bang batas tungkol sa Labor Education sa iskul?
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | June 24, 2022
Dear Chief Acosta,
Mayroon bang batas na nagmamandato ng pagkakaroon ng “Labor Education” sa mga paaralan? Nabanggit kasi sa anak ko na magkokolehiyo na magkakaroon diumano ng ganitong kurso para kaya saan ito? - Cyrus
Dear Cyrus,
Naaprubahan noong Mayo 27, 2021 ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Republic Act No. 11551 o mas kilala bilang “Labor Education Act”. Ang Labor Education ay tumutukoy sa pagbibigay ng pormal na kaalamang pangmanggagawa o “teaching of basic knowledge on labor rights and other skills relating to negotiation, fostering smooth interpersonal relations in the workplace, and mechanisms for redress of grievances and other concerns.” (Section 3 (b), R. A. No. 11551)
Ang layunin ng naturang batas ay upang bigyan ng angkop na kaalaman ang mga magiging manggagawa, employers at negosyante sa kanilang magiging karapatan at responsibilidad, nang sa gayun ay maisulong ang pagkakaroon ng maayos na relasyon sa pagitan nila. Ito ay alinsunod sa Paragraph 2, Section 2 ng R. A. No. 11551:
“To this end, the State shall put in place a mechanism to educate future workers, employers, and entrepreneurs, on their rights and responsibilities in promoting harmony in the workplace and social progress in the society.”
Nais naming bigyang-diin na ang mandato ng pagkakaroon ng “Labor Education” sa mga paaralan ay nakalaan para sa Tertiary Education Curriculum. Nakasaad sa nabanggit na batas:
“Section 4. Integration of Labor Education in Higher Education Curriculum. - All public and private higher education institutions (HEIs) shall integrate labor education as part of an elective course; and as far as practicable, hold a Labor Empowerment and Career Guidance conference which graduating students shall attend.
x x x
“Section 5. Integration of Labor Education in Technical and Vocational Education and Training (TVET) Curriculum. - All TVIs offering nondegree certificate and diploma courses ranging from one (1) to three (3) years shall integrate labor education as an elective course in the TVET curriculum.
TVIs offering short-term courses ranging from one (1) month or less than one (1) year are encouraged to integrate labor education in the modular program of the TVET curriculum.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.