Meralco, kinalampag… JAYSON, SHOCKED SA P17K NA BILL SA KURYENTE
- BULGAR
- 10 hours ago
- 2 min read
ni Mercy Lejarde @Talkies | July 2, 2026

Photo: Jayson Gainza - IG
Todo-reklamo sa socmed (social media) ang aktor na si Jayson Gainza matapos ibahagi ang larawan ng kanyang electricity bill na umabot sa P17,845.79, kasabay ng isang bukas na liham para sa Meralco kung saan hiniling niyang maipaliwanag kung paano umabot sa ganu’n kalaki ang bill nila sa kuryente.
Sa kanyang post, sinabi ni Jayson, “Dear, @meralcoph. Kami po ay walang laundry shop, wala rin po kaming talyer at lalung-lalo na wala kaming 4 na swimming pool. Paki-explain kung paano ninyo ‘to na-compute nang ganito kalaki.”
Dagdag pa niya, “Baka naman ‘pag nag-solar kami, maging P12K na lang kuryente namin. Aba! Aba, baka lalo kayong yumaman!”
Samantala, nag-iwan din ng komento ang aktres na si Barbie Imperial sa Instagram (IG) post ni Jayson bilang pagpapakita ng kanyang reaksiyon sa isyu.
Ani Barbie, “Grabe, Meralco!!!!!!!!”
Well, sana all na lang talaga, may malaking suweldo para ipambayad sa Meralco at hindi na nakakaranas maputulan.
Pak, ganern!
“IPINAGMAMALAKI ko ang mga tatay ng mga anak ko, super-magagaling at mabait,” ang naging pahayag ng mahusay na aktres na si Alma Moreno sa YouTube (YT) channel ng broadcaster at journalist na si Bernadette Sembrano.
Sa panayam, napag-usapan ang tungkol sa pagpapalaki ng isang blended family.
Tinanong ni Bernadette kung paano niya ipinaliwanag sa kanyang mga anak na bagama’t magkakapatid sila, iba-iba ang kanilang ama.
Sumagot si Alma, “Actually, hindi, eh. Nakita nila, ‘di ko ipinaliwanag. Kahit si Joey Marquez, tanungin mo, wala. ‘Di n’ya sasabihin ‘yun.
“Basta ang sinabi namin, magkakapatid kayo. Sabay-sabay naman silang lumaki na magkakasama sila sa bahay noong mga bata pa sila. Ngayon na lang na malalaki na sila pero noong maliliit pa sila, nasa akin silang lahat.
“Ako kasi, pantay-pantay ang pagmamahal ko sa kanila. Ang itinuro namin ay respeto sa isa’t isa at pagmamahalan. ‘Yun ang ipinakita naming love.”
Hirit na tanong ni Bernadette, “Kahit na naghiwalay ang mga magulang nila?”
Sumagot si Alma, “Nand’yan pa rin sila. Oo, magkakapatid sila.”
In fairness kay Alma Moreno, hindi nakapagtataka na mabait ang mga anak niya. Hindi lang kasi ang mga ama nila ang mababait, kundi lalo na siya.
‘Di ba naman, Ness?

