top of page

Mental health caravan, aarangkada sa mga public school

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 11 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 12, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Inilunsad noong nakaraang linggo ang isang mental health caravan na pinangungunahan ng inyong lingkod, kasama ang aming mga katuwang sa proyektong pinamagatang “Tara Usap, G?” ‘kwentuhan lang, no pressure’. Kasama natin sa proyektong ito ang Philippine Educational Theater Association (PETA), Balik Kalipay Center for Psychosocial Response, at Youth for Mental Health Coalition.


Layunin ng mental health caravan na ito na isulong ang pangangalaga sa mental health ng ating mga mag-aaral. Bahagi ito ng pagsuporta ng inyong lingkod sa pagpapatupad ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080) na ating isinulong bilang sponsor at may-akda.


Matatandaang mandato ng naturang batas ang pagkakaroon ng School-Based Mental Health Program sa mga pampublikong paaralan. Saklaw ng programang ito ang screening, evaluation, assessment, at monitoring; mental health first aid; crisis response at referral system; mental health awareness at literacy emotional, developmental at preventive programs; at iba pa. Upang maipatupad ang programang ito, magkakaroon din ng Care Center sa bawat pampublikong paaralan sa bansa.


Layon din ng batas na tugunan ang kakulangan ng mga eksperto upang pangalagaan ang mental health ng ating mga mag-aaral. Sa ilalim ng batas, ang mga Care Center ay pamumunuan ng isang School Counselor na maaaring isang Registered Guidance Counselor o Registered Psychologist. Makakatulong ito upang maresolbahan natin ang kasalukuyang kakulangan sa guidance counselor sa mga paaralan.


Sa pamamagitan ng mental health caravan, maipapaalam natin sa ating mga mag-aaral at guro na meron na tayong ganitong batas na layong itaguyod ang kanilang kapakanan. Ang naturang caravan na ating inilunsad ay nagbigay din ng paalala sa mga mag-aaral na may matatakbuhan sila kung may pinagdaraanan man sila sa kanilang mental health.


Nagpapasalamat naman tayo sa mga naging katuwang sa proyektong ito. Sa paglulunsad ng ating mental health caravan, itinanghal ng PETA, sa pamamagitan ng PETA Lingap Sining, ang dulang ‘Keri Pa Ba?’ kung saan ipinakita ang iba’t ibang mga hamong kinakaharap ng mga mag-aaral. Ipinakita rin sa naturang pagtatanghal ang kahalagahan ng pakikipagkapwa-tao at pagdadamayan upang mapangalagaan ang mental health ng bawat isa.


Taos-puso rin tayong nagpapasalamat sa Balik Kalipay at Youth for Mental Health Coalition sa pagtiyak na meron tayong mga ekspertong gagabay sa pagpapatupad natin ng proyektong ito.


Nagpapasalamat tayo sa Quezon City Science High School, kung saan inilunsad ang “Tara Usap, G?”


Makakaasa ang ating mga kababayan na patuloy na susuportahan ng inyong lingkod ang pagpapatatag ng mga programang magtataguyod sa mental health ng mga mag-aaral.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page