Menor-de-edad, dapat bantay-sarado ng mga magulang!
ni Ryan Sison - @Boses | April 06, 2021
Sa kabila ng mga umiiral na paghihigpit dahil sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus, kani-kanyang diskarte ang ilan nating kababayan para maibsan ang init na dala ng panahon, gayundin upang magpalipas ng oras.
‘Yun nga lang, sa halip na makapagrelaks, dinampot at pinauwi ang mahigit 50 residenteng nag-swimming at naglalaro sa dagat sa Bacoor, Cavite kung saan 44 sa mga ito ang menor-edad.
Balak lang umanong mag-abiso ng grupo sa mga residente na iwasang maligo sa baybayin dahil sa lockdown, ngunit iba ang dinatnan ng mga ito kaya nauwi sa hulihan.
Samantala, ipinaubaya ng mga enforcer sa mga barangay kung paano didisiplinahin ang mga nahuling kabataan, habang patuloy naman sa pagpapatrol sa dagat ang DFW at PCG para magpaalalang sumunod sa health protocols at sumita sa mga lalabag sa lockdown.
Matatandaang sa ilalim ng ECQ, ipinagbabawal ang paglabas ng mga kabataang edad 14 pababa, gayundin ang mga nasa edad 15 hanggang 65 kung hindi authorized worker o kukuha ng essential goods.
Sa totoo lang, nakadidismaya dahil hanggang ngayon, mayroon pa ring ganitong mga uri ng paglabag. Ang masaklap pa, mayorya ng mga violator ay menor-de-edad.
Panawagan sa mga kinauukulan, kung nais nating turuan ng leksiyon ang bawat lumalabag — menor-de-edad man o hindi — gawin ito nang tama.
Kumbaga, maging patas tayo sa pagbibigay ng parusa para matiyak na hindi na uulit ang mga ito.
Isa pa, pakiusap sa mga magulang, bantayang mabuti ang inyong mga anak dahil kayo ang responsable sa bawat kilos ng mga ito.
Hangad nating maging mabuting ehemplo kayo sa mga kabataan para matutunan nila ang kahalagahan ng pagsunod sa mga umiiral na protocols.
Tandaan na ang lahat ng ating ginagawa ay may epekto sa ating sarili, gayundin pati sa nakararami.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments