Medvedev, champ sa U.S. Open
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 14, 2021

Ipinagdiwang ni Daniil Medvedev ng Russia ang kanyang pinakaunang kampeonato sa Grand Slam matapos gulatin ang paboritong si Novak Djokovic ng Serbia, 6-4, 6-4 at 6-4, sa finals ng 2021 US Open Tennis Championship Lunes ng umaga mula sa Arthur Ashe Stadium sa loob ng USTA Billie Jean King National Tennis Center sa New York.
Dominanteng tinapos ni Medvedev ang torneo kung saan isang set lang ang ipinamigay sa pitong laban.
Agad pinagsamantalahan ng 25-anyos na si Medvedev ang mga pagkakamali ni Djokovic na lumitaw ang kapaguran matapos ang laban sa semifinals noong isang araw kontra kay Alexander Zverev ng Alemanya na umabot ng limang set, 4-6, 6-2, 6-4, 4-6 at 6-2. Sa kabilang semis, madaling nanaig si Medvedev kay Felix Auger-Aliassime ng Canada, 6-4, 6-5 at 6-2.
Patungo sa korona, isa-isang winalis ni Medvedev sina Richard Gasquet ng Pransiya, Dominik Koepfner ng Alemanya, Pablo Andujar ng Espanya at Daniel Evans ng Gran Britanya. Nalasap niyang unang matalo sa ikatlong set ng quarterfinals laban kay Botic Van De Zandschulp ng Netherlands subalit nanaig pa rin ang Russo, 6-3, 6-0, 4-6 at 7-5.
Napigil din ni Medvedev ang inaasam na bihirang Grand Slam ni Djokovic matapos nito maghari ngayong taon sa Australian Open, French Open at Wimbledon. Nanatiling tabla pa rin sa 20 si Djokovic kasama nina Roger Federer ng Switzerland at Rafael Nadal ng Espanya na may pinakamaraming kampeonato sa apat na torneong bumubuo ng Grand Slam.
Nakabawi din si Medvedev sa talo kay Djokovic sa finals ng Australian Open ngayong taon, 7-5, 6-2 at 6-2. Ito rin ang pangalawang pagkakataon na naglaro si Medvedev sa finals ng US Open matapos matalo noong 2019 kay Nadal, 5-7, 3-6, 7-5, 6-4 at 4-6.
Tatlong beses pa lang sa kasaysayan naganap ang Grand Slam sa kalalakihan noong 1938 kay Don Budge ng Estados Unidos at dalawa kay Rod Laver ng Australia noong 1962 at 1969. Kasama ang 83-anyos na si Laver sa mga nanood sa korte.





Comments