top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Medical frontliners, sumabog na dahil sa pagod; pramis na allowance, wala pa

  • BULGAR
  • Aug 16, 2021
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | August 16, 2021


Mula nang nagsimulang manalasa ang COVID-19 pandemic, nakita at naramdaman natin ang kahalagahan ng health workers.


Sila ang nasa frontline ng laban na ito dahil sila ang harapang tumutugon sa pangangailangan ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.


Itinuring pa nga silang ‘modern day heroes’ dahil sa kabila ng matinding banta ng sakit at kahit marami rin sa kanila ang hindi nakaligtas sa bagsik ng virus, patuloy silang nagbibigay-serbisyo sa ating mga kababayan.


Gayunman, paano kung ang mga itinuturing nating ‘super hero’ sa gitna ng pandemya ay pagod na?


Kamakailan, nagbanta ang mga nurses at healthcare workers na magsasagawa sila ng ‘mass resignation’ kung patuloy silang hindi makatatanggap ng ‘special risk allowance’ mula sa Department of Health (DOH).


Dahil dito, umapela ang DOH sa health workers na handa silang makinig sa mga hiling ng medical frontliners.


Paliwanag ng isang opisyal ng ahensiya, posibleng magkaroon ng negatibong epekto ang binabalak ng mga medical frontliners na mass resignation sa gitna ng patuloy na pagtaas ng naitatalang COVID-19 cases sa bansa. Aniya, babagsak ang health care system kapag itinuloy ng medical frontliners ang kanilang banta.


Samantala, sa ilang pribadong ospital at medical institution, ikinokonsidera ng health workers ang pagkakaroon ng ‘medical lockdown’ dahil sa mababang pasahod at kakulangan ng benepisyo.


At bukod pa sa bantang mass resignation ng medical frontliners, may problema rin sa kakulangan ng manpower na idinadaing ng mga ospital sa gitna ng muling pagsipa ng COVID-19 cases, na dulot ng mas nakahahawang Delta variant.


Bagama’t matagal nang ipinangako sa health workers ang mga benepisyong ito, nakadidismaya na hanggang ngayon ay tila wala pa ring nangyayari.


Hindi natin masisisi ang mga ito kung tuluyan nang nasagad ang kanilang pasensiya dahil pagod na nga silang tumugon sa mga pasyente, tuluyan pa atang napako ang mga pangakong benepisyo.


Napakalaking hamon na ng pandemya para sa ating lahat, at kung muling mababawasan ang ating health workers, paano na lang tayo?


Panawagan sa mga kinauukulan, tama na ang puro pangako. Ang kailangan natin ay aksiyon at totoong solusyon.


‘Wag nating hintaying magkaubusan ng medical frontliners at lalong humina ang work force ng mga ospital bago tayo tuluyang kumilos.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page