Media, gamitin ang kapangyarihan sa paghubog ng mga bata
ni Ryan Sison @Boses | December 11, 2023
Dapat na lumikha ng mga positibong programa para sa mga batang Pinoy at isulong ang responsableng television viewership sa lahat.
Ito ang panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ginanap na 2023 Anak TV Seal Awards noong Biyernes, sa mga television networks, kanilang mga personalidad, at sa mga stakeholder, kung saan hinimok niya ang mga ito na makipagtulungan sa gobyerno upang magkaroon ng isang media environment na angkop para sa mga batang Pilipino.
Sa talumpating inihatid ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, sinabi ni P-BBM na inuutusan niya ang lahat ng TV networks sa Pilipinas, artists, journalists, at iba pa, na gamitin ang kanilang kapangyarihan at i-utilize ang kanilang plataporma sa pagpo-promote ng media at online literacy, at pagtataguyod ng child-sensitive content. Aniya pa, patuloy silang makipagtulungan sa administrasyon para sa paghubog ng mas positibo, nurturing o mapagkalinga, at nakaka-inspire na media landscape para sa mga batang Pinoy sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kanilang kamalayan sa mga pangangailangan ng kanilang mga young audience.
Binigyang-diin din ng Pangulo na ang pag-uugali at values ng kabataang Pilipino ay hinubog na ng mga nakatatandang henerasyon.
Ayon kay P-BBM, marapat na ipahayag na ang mga nakababatang henerasyon ay natututo ng kanilang social behaviors sa pamamagitan ng pagmamasid o pag-observe sa mga nakatatanda at role models. Kaya aniya, dapat na bigyan sila ng kinakailangang gabay sa kanilang paggamit ng media, at hikayatin silang manood ng mga palabas na magtuturo sa kanila kung paano na epektibong makisali o makiisa sa mga kagaya nila, mga nakatatanda, at sa mga komunidad.
Maganda ang layunin ng gobyerno na magkaroon ng mga positibong programa ang media para sa mga kabataan na sadyang lubos na makatutulong sa kanila.
Batid natin na marami na ang lumalabas na mga panoorin, lalo na sa social media na walang restriksyon, na talagang nakaka-korup ng mga kaisipan ng mga kabataan.
Hindi na kasi maiwasan na may mga malalaswa, karahasan, salitang kabastuhan at marami pang iba, ang naririnig at napapanood nila sa ngayon na nagdudulot naman ng negatibong epekto sa kanila.
Kaya tama lang na mas tutukan natin ang paglikha ng mga de-kalidad na content at programa na makatutulong sa paghubog sa moral values at makapagbibigay ng malinaw na kaisipan sa mga batang Pinoy. Marahil, dapat na nating simulan na ito ngayon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments