McCollum, napinsala ang kanang baga; Durant, bida
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 09, 2021

Nasuri na may collapsed right lung o pheumothorax si Portland Trail Blazers guard CJ McCollum matapos isailalim sa CT scan.
Ayon sa kanyang team si McCollum ay sasailalim pa sa ibang pagsusuri upang matiyak ang kalagayan ng 30-anyos na NBA cager. Natamo ni McCollum ang injury nang mapasama ang kanyang bagsak sa 4th quarter na laban ng Blazers at Boston Celtics noong Sabado. Dahil dito hindi siya nakapaglaro noong Lunes laban sa Los Angeles Clippers maging nitong Miyerkules kontra Golden State Warriors.
Naglaro para sa Portland ng 8 seasons sa NBA si McCollum kung saan siya ika-10th overall pick noong 2013 NBA Draft. Sa ika-24 na laro ngayong season, may averaged siyang 20.6 points, 4.5 assists at 4.1 rebounds.
Sa mga laro sa NBA, tagumpay ang Los Angeles Lakers sa Boston Celtics, 117-102, sa tapatan ng dalawang pinakamalaking magkaribal sa 75 taong kasaysayan ng NBA kahapon mula sa Staples Center. Nagsabog ng 30 puntos si LeBron James at sinundan ni Russell Westbrook na may 24 puntos at 11 assist. Mainit sa buong laro si Jayson Tatum sa kanyang 34 puntos.
Lumayo ng bahagya ang numero unong Brooklyn Nets sa mga humahabol sa kanila sa Eastern Conference at tinalo ang Dallas Mavericks, 102-99. Ibinaon ni Kevin Durant ang bola na may isang minutong nalalabi sa orasan upang itakda ang iskor sa 102-99 at mula roon ay hinigpitan ang depensa. Nagtapos si Durant na may 24 puntos at sinundan ni James Harden na may 23 puntos.Gumawa ng 28 puntos si Doncic.
Sa isa pang laro, pumukol ng pitong tres si RJ Barrett para itulak ang bisitang New York Knicks sa 121-109 tagumpay sa San Antonio Spurs at ipantay ang kanilang kartada sa 12-12.





Comments