McCollum bumida sa Hawks 2-1 ang serye, Raptors bumira
- BULGAR

- Apr 25
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | April 25, 2026

Photo: Atlanta Hawks / Instagram
Bayani si CJ McCollum at wagi muli ang Atlanta Hawks sa New York Knicks, 109-108, sa pagpapatuloy ng 2026 NBA Playoffs kahapon sa State Farm Arena. Umiwas din na mabaon ang Toronto Raptors at Minnesota Timberwolves at parehong wagi sa kanilang mga tahanan.
Bumira mula 16 talampakan si McCollum na may 13 segundo sa orasan at sinundan ito ng agaw ni Jonathan Kuminga kay Jalen Brunson upang mapanatili ang resulta. Lamang ang Knicks, 108-105, pero hindi na sila pumuntos sa huling minuto at sinimulan ng shoot ni Jalen Johnson ang paghabol ng Atlanta at 53 segundo ang nalalabi, 107-108.
Nanguna na may walo ng kanyang 24 sa huling quarter si Johnson. Sumunod si McCollum na may 23 at lamang na ang Hawks sa seryeng best-of-seven, 2-1.
Mahigpit ang palitan pero humataw sa huling quarter ang Raptors laban sa bisitang Cleveland Cavaliers, 126-104. Lamang ang Toronto, 83-81, ngunit biglang bumitaw ang Cavs at pinabayaang magsabog ng 16 walang-sagot na puntos ang Raptors para lumayo, 124-99.
Kabuuang 43 ang naitala ng Toronto sa nakakahilong huling quarter. Parehong 33 sina RJ Barrett at Scottie Barnes para sa una nilang tagumpay matapos kunin ng Cavs ang unang dalawang laro, 126-113 at 115-105.
Sa Western Conference, tagumpay ang Minnesota sa bisitang Denver Nuggets, 113-96, sa Game 3. Kontrolado ng T-Wolves ang buong 48 minuto na nasundan nila ang 119-114 panalo sa Game 2 na ginanap sa Denver. Humugot ang Minny ng hindi inaasahang 25 kay reserba Ayo Dosunmu.





Comments