Mayor Sara, atras sa “Duterte-Duterte” tandem sa 2022
- BULGAR
- Jun 20, 2021
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | June 20, 2021
P-DUTERTE, AYAW KA-TANDEM NI MAYOR SARA—Tiniyak ni presidential daughter Sara Duterte-Carpio na kapag nagpasya siyang kumandidatong pangulo ay hindi mangyayari ang “Duterte-Duterte” tandem sa 2022 election.
Kumbaga, parang sinabi na rin ni Mayor Sara na ayaw niyang maka-tandem for vice-president ang kanyang erpat, boom!
◘◘◘
“BONGBONG” AT GIBO, AYAW NI P-DUTERTE MAGING KATANDEM NI SARA—Noong kaarawan ni Mayor Sara (May 31, 2021) ay magkasunod na nagtungo sa Davao City sina ex-Sen. “Bongbong” Marcos at ex-Defense Sec. Gibo Teodoro para personal itong batiin ng ‘happy birthday’, at mula noon ay naibalita nang alinman sa dalawang ito ang posibleng maging kandidato sa pagka-bise-presidente sakaling magpasya ang presidential daughter na kumandidatong pangulo sa halalan 2022.
Ang problema, tila hindi kursunada ni P-Duterte ang sinuman kina Bongbong at Gibo kasi nitong June 16, 2021 ay isinapubliko ng pangulo na gusto niyang maging next vice-president ng bansa si Leyte Rep. Martin Romualdez at full support siya kapag nagpasya itong kumandidatong bise-presidente, period!
◘◘◘
KAPAG KUMANDIDATONG PANGULO SI GORDON NANG WALANG KA-TANDEM, MAGMUMUKHA SIYANG KATAWA-TAWA—Nagdeklara na si Sen. Richard Gordon na sasabak siya sa 2022 presidential election at sa ngayon ay naghahanap na siya ng kandidato niya sa pagka-VP.
Eh, ang tanong: Meron naman kayang gustong mag-VP kay Sen. Gordon?
Kung sakaling wala, huwag na siyang kumandidatong pangulo kasi magmumukha lang siyang katawa-tawa dahil tiyak ang ibang sasabak sa presidential election ay may VP, tapos siya ay wala, boom!
◘◘◘
LACSON, MAS MAY “K” SIYANG MAGING NEXT PRESIDENT KAYSA KAY VP LENI—Tila desidido na rin si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na kumandidatong pangulo kasi tinitirya na niya ang posibleng pambato ng 1Sambayan at oposisyon na si Vice-Pres. Leni Robredo.
Sabi ni Lacson, si Robredo ay may mabuting puso, pero hindi lang may mabuting puso ang kailangan maging next president ng bansa, kundi dapat matigas din o may kamay na bakal sa pagpapatakbo ng pamahalaan.
Parang sinabi naman niyang siya na may kamay na bakal ang may “K” maging next president at hindi ang may mabuting puso na si Robredo, boom!





Comments