ni Green Lantern @Renda at Latigo | Marso 19, 2024
Nagpasiklab sa mga karerista si jockey John Alvin Guce matapos ipanalo si May Ten sa Hon. Michael Angelo "Mike" Rivera Invitational race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Hindi nag-apura sa largahan si reigning Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Guce, hinayaan nitong mauna si Speed Revolution at ipinuwesto lang nito si May Ten sa pangalawa.
Pagsapit ng far turn ay nasa limang kabayo ang lamang ni Speed Revolution sa mga nasa likuran nitong sina May Ten, Batang Kankaloo at Jeng's Had Enough.
Pagsungaw ng huling kurbada ay uminit na ang bakbakan sa unahan, lamang si Speed Revolution, nasa bandang labas sina May Ten at Wild Is The Wind habang sa tabing balya dumaan si Batang Kankaloo.
Nasikwat ni May Ten ang bandera sa huling 150 metro ng karera pero hindi basta nagpadaig si Wild Is The Wind at binigyan nito ng magandang laban ang winning horse.
Kaya naman nagwagi si May Ten ng leeg lang ang pagitan sa pumangalawang Wild Is The Wind, tersero ang Batang Kankaloo at pang-apat ang Jeng's Had Enough.
Nagtala si May Ten ng tiyempong 1:28.4 sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si VE Go Bon ang P11,000 added prize sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ni Chairman Reli de Leon.
Tig-P2,500 naman ang trainer at jockey ng nanalong kabayo.
Ibinulsa ni Bingson Tecson ang breeder ng winning horse ng P4,500 habang tig-P1,000 at P500 ang second at third ayon sa pagkakasunod.
Samantala, walong races ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) noong Linggo kaya sulit ang pangangarera ng mga kareristang naglilibang.
Inihahanda si May Ten sa susunod nitong takbo, posibleng sa mas malaking laban ito isabak ng kanyang connections.
Opmerkingen