May Sabado sa NCR, iba pang lugar... Oras ng voter registration, extended – Comelec
- BULGAR

- Oct 16, 2021
- 2 min read
ni Lolet Abania | October 16, 2021

Pinalawig ng Commission on Elections (Comelec) ang oras ng voter registration ng hanggang alas-7:00 ng gabi tuwing weekdays at nagdagdag din ng Sabadong iskedyul sa National Capital Region (NCR) at iba pang piling lugar.
Gayunman, ang voter registration tuwing Sabado ay hanggang alas-5:00 ng hapon lamang. Bukod sa NCR, ang mga lugar kung saan ipatutupad din ito simula Oktubre 16 ay sa mga munisipalidad ng Alcala at San Quintin sa Pangasinan; Tarlac City at mga munisipalidad ng Capas at Concepcion sa Tarlac; lahat ng munisipalidad at lungsod ng Quezon Province; Labo, Camarines Norte; Castilla, Sorsogon; at siyudad ng Cebu, Mandaue at Lapu-Lapu sa Cebu Province.
Samantala, ang mga lugar na mayroon ding registration ng Sabado ng Oktubre 16 at 23, habang ang weekday registration ay mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon lamang ay sa mga munisipalidad ng Anda, Sto. Tomas at Sual sa Pangasinan; mga munisipalidad ng Aringay, Balaoan at Caba sa La Union; lahat ng siyudad at munisipalidad ng Ilocos Sur; at mga munisipalidad ng Balatan, Bula, Cabusao, Goa, Lagonoy, Libmanan, Magarao, Minalabac, Ragay, Sagnay, San Fernando, San Jose, Tigaon at Tinambac sa Camarines Sur.
“The rest of the country will follow the registration days and hours of Mondays to Fridays, 8:00 A.M. to 5:00 P.M. However, registration will be conducted on the last day, October 30, 2021, which is a Saturday,” ayon sa Comelec.
“To reiterate, all types of application will be accepted, not just those that may come from first-time registrants,” ani Comelec spokesperson James Jimenez.
Ayon pa sa Comelec, ang last leg ng voter registration ay isasagawa kung saan kayang i-accommodate ang maraming bilang ng registrants sa piling malls gaya ng Robinsons Malls, Ayala Malls at SM Supermalls. Ang mga gymnasium, ibang commercial establishments at malalaking lugar ay posible ring gawin bilang satellite registration sites.
Ang huling araw ng voter registration ay noong Setyembre 30, subalit in-extend ito ng dalawang linggo, mula Oktubre 11 hanggang 30, 2021.




Comments