May magagawa pa tayo laban sa climate change
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 14, 2022
Palagi nating naririnig ang climate change pero maliwanag ba sa atin kung ano talaga ang climate change at kung may magagawa pa ba tayo bilang isang indibidwal para hindi lumala at tuluyang humantong sa pagkawasak ang ating daigdig.
Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na ang climate change ay ang pagbabago ng klima o panahon dahil sa pagtaas ng mga greenhouse gases na nagpapainit sa daigdig at isang karanasan na hindi nakasanayan ng mga tao.
Ang papainit na papainit na sitwasyon ay hindi dapat ipagwalang bahala dahil sa nagdudulot ito ng sakuna tulad ng heatwave, baha at tagtuyot na maaaring humantong sa pagkakasakit o pagkamatay ng mga tao.
Kung hindi natin magagawan ng paraan o mapipigilan ang pagtaas ng temperatura ng mundo ay darami ang mga sakit, tulad ng dengue, diarrhea, malnutrisyon at marami pang iba’t ibang karamdaman.
Ayon sa pag-aaral ng mga eksperto, may dalawang sanhi ng climate change at ang una ay ang natural na pagbabago ng klima sa buong mundo nitong nagdaang mahabang panahon.
Sama-sama itong epekto ng enerhiya mula sa araw, sa pag-ikot ng mundo at sa init na nagmumula sa ilalim ng lupa na nagpapataas ng temperatura o init sa hangin na bumabalot sa buong mundo.
Ang ikalawa ay ang mga gawain ng tao na nagbubunga ng pagdami o pagtaas ng carbon dioxide at iba pang greenhouse gases (GHGs) dahil ang GHGs ang nagiging sanhi kaya nakukulong ang init sa buong daigdig.
Kabilang din ang pagbuga ng carbon dioxide ng mga sasakyang gumagamit ng gasolina, pagkabulok ng mga bagay na organic na nagbubunga ng methane (isa pang uri ng GHGs) at ang pagputol ng mga puno na siya sanang mag-aalis ng carbon dioxide sa hangin na dagdag dahilan din climate change.
Ang mga nararamdaman ng epekto ng climate change ay ang matinding init, tagtuyot at hindi inaasahang bagyo na nagdudulot ng pagkakasakit na dala ng tubig o pagkain, tulad ng cholera, allergy dahil sa polusyon at malnutrisyon.
Palagi nating tinatalakay ang climate change at kahit sa mga pangako ng mga kandidato sa kani-kanilang kampanya ay palagi itong kasama na pag-iibayuhin umano, ngunit tila habang umuusad ang panahon ay sumusulong din ang kinakaharap nating problema.
Kaya sa puntong ito ng ating buhay ay kailangang maintindihan natin na mahalaga ang partisipasyon ng mga tao upang mabawasan ang GHGs sa kapaligiran upang masolusyunan ang paglala ng climate change at dapat alam ng bawat isa kung paano makatutulong.
Ilan sa mga puwedeng gawin ay ang pagtatanim ng puno o halaman para may magsilbing taga-sipsip ng GHGs at malaking tulong ang paggamit ng mga energy-efficient at environment-friendly na kagamitan tulad ng paggamit ng compact fluorescent light bulbs (CFLs) kumpara sa ordinaryong bumbilya.
Sa halip na gumamit ng sariling sasakyan ay malaking buti kung maglakad, magbisikleta, mag-commute o kaya ay mag-car pooling dahil hindi lamang makatitipid sa gasolina ay makababawas pa ng polusyon. Malaking tulong din na panatilihin nating kondisyon ang ginagamit na sasakyan upang hindi malakas sa gasolina at tiyaking may sapat na hangin ang mga gulong at iwasan ang biglaang pag-arangkada.
Dapat ding magtipid sa kuryente, patayin ang mga ilaw, bunutin ang mga plug ng mga appliances hangga’t maaari ay iwasan ang paggamit ng aircon at kung ligtas naman ang kapaligiran ay mas mabuting buksan ang bintana para makapasok ang sariwang hangin.
Hindi na biro ang abnormal o pagbabagu-bago ng ating klima dahil ikinukonsidera na itong pangunahing problema dahil sa ito na ang sanhi ng sobrang lalakas na bagyo, paglamig at pag-init ng temperature, pagtaas ng tubig dagat, pagkatunaw ng yelo at halinhinang pagsabog ng mga bulkan.
Kaya ang simpleng pagtatapon ng basura sa tamang tapunan ay malaking tulong sa ating kapaligiran, ang pagdampot ng kalat malaki man o maliit at hindi pagsusunog ng basura ay makalilikha ng malawakang pagbabago kung walang nakakalat na basura, walang bara sa mga kanal at walang bahang magaganap.
Maging ang pagtitipid sa kuryente ay malaking tulong upang mabawasan ang init na nailalabas patungo sa kalawakan na sanhi pagnipis ng ozone layer at pagkasira ng planeta.
Epektibo rin ang pagre-recycle, tulad ng mga plastic bottles na ilang libong taon bago ma-decompose na puwedeng gawing lalagyan ng halaman at iba pang puwedeng pakinabangan para makabawas sa pagdami ng basura.
Higit sa lahat ay ibahagi natin ang ating kaalaman na ang pagbabago ng ating kalikasan ay hindi magagawa ng isang tao lamang kaya dapat ay sama-sama tayong proteksyunan ang kalikasan upang mapakinabangan pa ng susunod na lahi ang napakaganda nating daigdig na sayang kung mapababayaan lang.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments