May konsensya ba talaga ang mga kasapi ng “Conscience Bloc” sa Senado?
- BULGAR
- 10 hours ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 12, 2025

Naaalala pa natin ang pangalan ng isang grupo na nabuo noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. “Konsensiyang Pilipino” ang tawag nila sa kanilang sarili.
Kilala natin ang mga nagsimula ng naturang grupo. Mga Kristiyano at Katoliko ang lahat ng bumubuo nito. Dahil sila ang karamihan sa mga bumubuo ng grupo sapat nang tanggapin na maaari na nilang paniwalain ang lahat na naiintindihan nila ang kahulugan, kahalagahan at gamit ng konsensya.
Ngunit, sapat na bang maging bahagi ka ng isang sekta o relihiyon para masabing naiintindihan, alam at ginagamit mo nang tama at maayos ang mga bagay dahil sa konsensya? Paano kung sa kabila ng pagiging Kristiyano, Katoliko o miyembro ka ng isang relihiyon ay malapit o napakalapit mo sa presidente at dahil dito bulag at sarado kang tingnan ang kanyang (presidente) pagkakamali, kahinaan o kasalanan?
At tila ganoon nga ang nangyari. Anuman ang gawin ni PGMA noon walang maririnig sa naturang ‘Konsensiyang Pilipino’ na kamalian o anomalyang ginagawa ng pangulo.
Kaya ang pinakaunang batayan o prinsipyo ng konsensya ay ang pagiging independiyente o hiwalay at walang malalim na koneksyon sa pangulo.
Ngunit, naroroon pa rin siyempre ang mga karaniwang sangkap ng konsensya tulad ng kakayahang pumili ng tama sa mali; kaalaman sa mga pangunahing prinsipyo ng moralidad; malalim na pakiramdam kung tama o hindi tama ang ginagawa at kung kasama ang elemento ng pananampalataya sa Diyos, kasama ang prinsipyo ng pag-ayon o pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Kung pag-uusapan ang mga taong may konsensya, karaniwang tinitingnan sa mga taong ito ay may integridad o malinis na reputasyon; kilala sa pagiging patas at malaya sa anumang interes na kumukulay o tumutulak sa kanyang pagdedesisyon tulad ng pananalapi, posisyon, koneksyon at iba pa, at anumang katangiang naglalayo sa kanya sa karaniwang estilo ng kompromiso o pagbabaluktot ng prinsipyo para sa mga personal at mababaw sa kadahilanan.
Sina Sen. Vicente Sotto III; Sen. Panfilo Lacson; Sen. Miguel Zubiri at Sen. Loren Legarda ang bumubuo sa naturang “Conscience Bloc” ng Senado. Kilalang-kilala ng lahat ang mga nabanggit na senador at hindi mahirap saliksikin ang mga nagawa o hindi ginawa, sampu ng maganda at hindi magandang ginawa ng bawat isa sa apat.
Hindi na natin pag-aaksayahan ng panahong suriin ang mga “track record” ng apat na senador. Nais lang nating ihain ang simpleng tanong, matitiyak ba nating “independiyente” o malaya ang bawat senador na gumawa ng anumang desisyon na hindi kikiling sa anuman o kanino man.
At bakit silang apat ang nagbukluran para buuin ang naturang grupo? Mapagkakatiwalaan ba ang kanilang mga sinasabi at ipinapangako?
Ang alam lang natin ang pangkalahatang prinsipyo sa pulitika: na walang permanenteng kaibigan o kaaway kundi permanenteng interes lamang.
Kung pag-uusapan ang unang pagkakahati ng Senado sa pagitan ng 18 na nagbalik (remand) ng “articles of impeachment” laban kay Vice President Sara Duterte sa
Kamara, at ang lima na iginiit na simulang kaagad ng Senado ang paglilitis sa bise presidente, maaari ring tingnan kung saan nabibilang ang apat na kasapi ng “Conscience Bloc”, sa 18 ba o sa lima?
Isa pang napakalinaw na prinsipyo ng pulitika maski saan ay ang tinatawag na “sining ng kompromiso” (“the art of compromise”). Kung pagsasamahin natin ang “interes” at ang “kompromiso” ano ang lilitaw at mamamayani? Lilitaw ba ang tama at ang totoo, ang makatarungan, ang sumusunod sa kabutihang panlahat (common good) at kung hindi, ano ang lilitaw? Meron bang mga nakatagong kamay, bibig, bulsa at anumang maaaring magtulak kaninuman sa mga senador upang isulong hindi ang tama, totoo, moral, legal at konstitusyunal?
Malinaw ang sagot ng nakararami sa lipunan. Alam ng lahat na merong mga tagong kamay, bibig, bulsa at baka baril pa na nagtutulak sa karaniwang mambabatas.
Ngunit, meron naman bang hindi kayang itulak, sulsulan, takutin ng mga tagong puwersa na karaniwang tumutulak sa pagdedesisyon ng mga nakapuwesto?
Meron din, ngunit hindi sila ganoon karami dahil paninindigan, prinsipyong marangal at moral, pagsunod sa Konstitusyon at pagsulong sa kabutihang panglahat, at hindi ang mga karaniwang dahilan na siyang sumisira sa mga namumuno at pinamumunuan.
Sila ang may konsensya at alam ng marami kung sino sila. Hindi nila kailangang tawagin ang kanilang sarili na “conscience bloc.”
Comments