May karapatang tumanggi sa kaso ang abogado
- BULGAR
- Aug 7, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | August 7, 2022
Kamakailan ay inilabas ng ating Korte Suprema ang resulta ng 2020-2021 Bar Examinations, kung saan mahigit sa 8,000 bar examinees ang pumasa. Mahirap ang mag-aral para maging ganap na abogado at kapag naging abogado na ay may mga obligasyon pa ring marapat na talimain ng abogado. Ang propesyon ng abogado ay prebilehiyong kalakip ang napakaraming responsibilidad. Kaumang ng mga responsibilidad ng nasabing abogado sa pamayanan, sa husgado, sa kanyang propesyon at sa kanyang mga kliyente. Subalit kaumang ng mga responsibilidad ang mga karapatang ipinagkaloob ng Rules of Court sa abogado, lalo na sa kanyang propesyunal na paglilingkod sa kanyang mga kliyente.
Karaniwan na alituntunin na ang abogado ay hindi pinapayagang pakialaman ang trabaho ng kanyang kapwa abogado, subalit karapatan ng abogado na magbigay ng kanyang pinakamainam na payong legal o at pagtulong sa mga taong humihingi ng saklolo laban sa mga nagpabayang abogado.
Sa pagtanggap ng abogado ng kaso, siya ay hindi hinahayaang mamili kung sino ang ipagtatanggol, lalo na sa kaso ng mga indigent clients, maliban lamang kung ang nasabing representasyon ay magreresulta sa magkasalungat na interes (conflict of interest). Kaugnay nito, karapatan ng abogado na tanggihan ang kanyang representasyon sa kaso ng kliyente kung ang resulta nito ay ang pagkakaroon ng magkasalungat na interes sa pagitan niya at ng nasabing magiging kliyente o sa pagitan ng nasabing kliyente sa iba pa niyang kliyente.
Kinakailangang ipaglaban ng abogado ang kaso ng kanyang kliyente sa abot ng kanyang kakayahan at sa paraang pinapayagan ng batas. Kaugnay nito, sa pagtatanggol ng kanyang kaso, ang abogado ay binibigyang-laya na gawin ang nararapat na aksyon nang ayon sa sinasaad ng batas at walang pagdidikta mula sa kanyang kliyente. Kung sa loob ng panahon ng kanyang representasyon sa kanyang kliyente ay nakatanggap ang abogado ng impormasyon na gumawa ng panlilinlang ang kanyang kliyente laban sa ibang tao o sa hukuman para lamang maisahan nito ang kanyang kalaban, karapatan niyang sabihan ang kliyente na ayusin ito. Kapag hindi pumayag ang nasabing kliyente ay maaaring bawiin ng abogado ang kanyang representasyon.
Karapatan ng abogado na bawiin ang kanyang representasyon sa mga pagkakataong sumusunod:
1. Kapag ang kanyang kliyente ay gumagawa nang ilegal o labag sa batas at imoral na paraan para lang manalo sa kanyang kaso;
2. Kapag ipinipilit ng kliyente na gumawa ng aksyon ang kanyang abogado na labag sa batas at ng alituntunin ng kanyang propesyon bilang manananggol;
3. Kapag hindi siya makapagtrabaho ng mahusay kasama ang kanyang kasamang abogado sa kaso at ang patuloy niyang pananatili bilang abogado sa kaso ay makasasama sa kapakanan ng kanyang kliyente;
4. Kapag ang kanyang pisikal o mental na kondisyon ay hindi siya pinahihintulutang magtrabaho nang mahusay;
5. Kapag sadyang hindi binabayaran ng kliyente ang kaniyang attorney’s fees para sa kanyang representasyon.




Comments