top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

May kalayaan pa ba kung walang UP-DND agreement?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 23, 2021
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo | January 23, 2021



Alam mo pa ba ang inyong alma mater song? Naalala pa natin ang alma mater noong hayskul sa St. James Academy sa Malabon. Ganundin ang alma mater song ng aming seminaryo: Father of Priestly Sons. Dahil mas matagal tayong tumigil sa seminaryo ng San Jose mula 1970 hanggang 1982, madalas awitin ang aming Alma Mater.


Nagtagal din tayo bilang mag-aaral at pari sa UP Diliman kung saan tayo nag-aaral at naglingkod bilang pari: 1982 hanggang 1983 katulong na pari; 1996-2003 bilang kura-paroko at mag-aaral mula 1990 hanggang 2001. Napakaraming taon ang ginugol natin bilang pari at mag-aaral sa UP Diliman.


Noong mga nakaraang araw, naglabas ng panukala ang Department of National Defense sa ilalim ni Gen. Delfin Lorenzana. Balak ng DND na tanggalin ang polisiya ng Unibersidad ng Pilipinas sa lahat ng campus nito sa buong bansa na hindi makapapasok ang PNP o AFP nang walang pahintulot at koordinasyon sa mga opisyal ng bawat campus.


Bahagi na rin ito ng kanilang kampanya na supilin ang naturang paglaganap ng Komunismo sa bansa. Maaalala natin nang buuin ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018 ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (o NTF-ELCAC).


Nang mabuo ang NTF-ELCAC nagsimula ang matinding programa hindi lang laban sa Komunismo kundi laban sa anumang uri ng pagtutol, na madaling kulayang Pula ng pamahalaan (red tagging).


Ilan na ang namatay, pinatay na pinaghihinalaang komunista bago pa isinilang ang NTF-ELCAC. Pinalala lang ng NTF-ELCAC. Kinondena kamailan lang ng walong Obispo ng kabisayaan ang pagpatay sa siyam na lider ng grupong katutubo ng mga Tumandok.

Maglalabas ng liham pastoral ang walong Obispo sa pamumuno ni Cardinal Jose Advincula na kumukondena sa pagpatay sa siyam na katutubo ng tribong Tumandok.


Subalit, mabilis na tinuligsa ni Flosemer Chris Gonzales, ang namumuno sa Legal Cluster ng RTF-ELCAC. Ayon kay Gonzales, bagama’t dapat sundin ang mga tinuturo ng mga Obispo, maaaring magkamali ang mga ito sa kanilang mga sasabihing maaaring hindi nakabatay sa tamang impormasyon. Hindi nalalayo ang pananaw at pagkilos ng NTF-ELCAC sa mga naatasang isulong ang war on drugs ng pamahalaan.


Banal ang mga alma mater dahil binubuo ito ng mga taong nilikhang ka-wangis ng Diyos. Banal ang UP Diliman dahil sa mga propesor, estudyante, “non-academic personnel,” at iba pang mga kasapi ng UP Police; security guards at marami pang ibang bumubuo ng Pamayanang UP sa bawat campus. Banal ang buhay, anumang kulay, paniniwala, idelohiya, estado sa buhay, wika, pananampalataya… Malaki ang problema kung hindi ganito ang may hawak ng kapangyarihan, lalo na kung ganito ang may hawak ng baril.


Napakahalagang sangkap ang kalayaan ng pag-aaral. Kapag makapapasok anumang oras ang mga pulis at sundalo sa mga paaralan at unibersidad, posible pa kaya sa mga estudyante ang mag-aral at magpaka-dalubhasa?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page