May “K” maging lehitimo ang bata kahit hindi pa kasal ang mga magulang
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | February 06, 2022
Pinangangalagaan ng estado ang kapakanan ng mga bata na magkaroon ng lehitimong estado sa kanilang pamilya. Kaya naman, binigyan ng estado ang mga bata ng proteksiyong maigawad sa kanila ang lehitimong estado bilang anak kung ang pagkakapanganak nila ay hindi sanhi ng ipinagbabawal ng batas na relasyon ng kanilang mga magulang.
Sa sitwasyon kung saan ang lalaki at babae ay nagsama sa iisang bubong at nagkaroon ng anak sa labas ng balidong kasal, subalit walang balakid na sila ay makapagpakasal noong araw na lumabas ang kanilang anak, ang nasabing anak ay itinuturing na hindi lehitimo. Subalit kapag ang common law husband and wife ay nagpakasal pagkatapos na ipinanganak ang bata, ang nasabing bata ay maaaring maging lehitimong anak ng nasabing mag-asawa sa bisa ng Affidavit of Legitimation. Ang partikular na mga probisyon ng Family Code ay ang mga sumusunod:
“Art. 177. Only children conceived and born outside of the wedlock of parents who, at the time of the conception of the former, were not disqualified by any impediment to marry each other may be legitimated.
Art. 178. Legitimation shall take place by a subsequent valid marriage between parents. The annulment of a voidable marriage shall not affect the legitimation.
Art. 179. Legitimated children shall enjoy the same rights as legitimate children.
Art. 180. The effects of legitimation shall retroact to the time of the child’s birth.”
Sang-ayon sa mga nabanggit na probisyon, ang sunod na pagpapakasal ng mga magulang ng batang ipinagbuntis at ipinanganak sa mga panahong hindi kasal ang mga magulang, subalit walang legal na balakid para makapagkasal ay maaaring magbigay sa bata ng karapatang magkaroon ng estado bilang lehitimong anak. Ang epekto nito ay magsisimula sa oras ng kapanganakan ng nasabing bata.
Matapos makapagpakasal ng kanyang mga magulang, maaari nang pumunta ang mga ito sa local civil registrar, kung saan nakarehistro ang kapanganakan ng kanilang anak para isagawa ang Affidavit of Legitimation upang maging lehitimo ang estado ng kanilang anak.
Para ang bata ay maituring na naging lehitimo sa pamamagitan ng sunod na pagpapakasal ng kanyang mga magulang, kinakailangan na ang kanyang mga magulang ay legal sanang makakapagpakasal noong ipinagbuntis ang bata at ang nasabing bata ay parehas na kinilala ng kanyang mga magulang bago at pagkatapos ng kanilang kasal.
Ang orihinal na apelyido ng bata na nakatala sa Rehisto ng Kapanganakan (Registrar of Births) ay hindi buburahin, bagkus ay ilalagay na lamang sa Remarks Space ang “Legitimated by Subsequent Marriage” at itatala roon ang apelyidong gagamitin ng bata sa bisa ng legitimation. Ilalagay roon ang entry number sa Registrar of Legal Instruments (https://psa.gov.ph/civilregistration/legitimation).





Comments