May "K" ang magulang na disiplinahin ang anak
- BULGAR
- Sep 25, 2022
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 25, 2022
Kung ang mga anak ay mayroong mga karapatan, ang mga magulang bilang tagapagtaguyod ng pamilya, bukod sa mga responsibilidad na kanilang kinahaharap ay may mga karapatan din.
Marapat na malaman ng mga anak na ang kanilang karapatang magmana sa kanilang magulang ay nangyayari lamang kapag ang huli ay namatay na. Kaugnay nito, ang mga magulang ay may karapatang tanggalan ng mana ang kanilang mga anak o iba pa nilang inapo (descendants) habang sila ay nabubuhay pa dahil sa mga sumusunod na dahilan:
a. Kung ang anak ay napatunayang nagtangka sa buhay ng nagpapamana, ng asawa nito, kanyang mga anak o inapo (descendants) o mga ninuno (ascendants);
b. Kung inakusahan ng magmamana ang magpapamana ng krimen na may parusang pagkakakulong ng anim na taon o higit pa at napatunayan na ang nasabing akusasyon ay walang basehan;
c. Kung ang magmamana ay napatunayang nagkasala ng pakikipagrelasyon sa asawa ng nagpapamana;
d. Kung ang anak o inapo, sa pamamagitan ng panloloko, dahas, pananakot o pagbabanta, o hindi wastong impluwensya ay mabibilog ang nagpapamana na gumawa ng huling habilin o pinalitan ang dati nang nagawang huling hablin;
e. Pagtanggi nang walang makatwirang dahilan na magbigay-suporta sa nagpapamana;
f. Pang-aapi o pagmamalupit ng magmamana sa nagpapamana sa salita man o sa gawa;
g. Kapag ang anak o inapo ay namumuhay nang haragan o kahiya-hiya at
h. Kapag ang anak o inapo ay nahatulang nagkasala sa krimen na may kaparusahang pagbabawal sa paggamit ng mga karapatang sibil (civil interdiction).
Ang mga magulang ay may karapatang disiplinahin ang kanilang mga anak upang bigyan nila ang mga ito ng maayos na disposisyon sa buhay. Kasama sa kanilang pagganap ng kanilang awtoridad bilang mga magulang ang disiplinahin ang kanilang mga supling.
Para sa isang ama, may karapatan siya na pabulaanan (impugn) ang pagiging lehitimong anak ng bata, ayon sa alinman sa mga sumusunod na kadahilanan:
a) Na imposible siyang nakipagniig sa kanyang asawa sa loob ng unang 120-araw ng 300-araw bago ang pagsilang ng bata dahil sa wala siyang pisikal na kapasidad na makipagniig sa kanyang asawa, magkahiwalay silang namumuhay ng kanyang asawa at ang pagniniig ay imposibleng nangyari o mayroon siyang malalang karamdaman na tuluyang pumigil sa kanya na makipagniig sa kanyang asawa;
b) Na napatunayan na dahil sa bayolohikal o siyentipikong kadahilanan, ang nasabing bata ay hindi maaaring maging anak niya maliban sa kaso na mayroong artificial insemination; at
c) Sa sitwasyon ng mga batang ipinanganak sa pamamagitan ng artificial insemination, ang nakasulat na awtorisasyon o pagpapatibay ng sinuman sa mga magulang ay nakuha nang dahil sa pagkakamali, panloloko, dahas, pananakot o pagbabanta, o hindi wastong impluwensya.
Ang asunto para kwestyunin ang pagiging lehitimo ng anak ay maaaring isampa sa loob ng isang taon mula nang malaman ang pagkapanganak ng nasabing bata o maitala ang kapanganakan ng nasabing bata sa civil register ng asawang lalaki o sinuman sa kanyang mga tagapagmana sa ilang sitwasyon, kung sila ay nakatira sa parehong bayan o siyudad kung saan naipanganak o nakarehistro ang kapanganakan ng bata. Kung ang asawang lalaki o ang kanyang mga tagapagmana ay nakatira sa ibang lugar sa Pilipinas, ang nasabing aksyon ay maaaring isampa sa loob ng dalawang taon. Kung sa ibang bansa nakatira, maaaring isampa ang kaso sa loob ng tatlong taon.
Ang ama ay may karapatang kilalanin ang relasyon niya sa kanyang hindi lehitimong anak sa pamamagitan ng paglagda sa tala ng kapanganakan na makikita sa civil register o pagkilala sa bata sa nilagdaang publikong dokumento o sulat-kamay na instrumento, sa kondisyon na ang nasabing ama ay may karapatang maghain ng aksyon sa regular na hukuman habang siya ay nabubuhay upang patunayan niya na hindi niya anak ang nasabing kinilalang anak.





Comments