May “K” ang co-owner na ibenta, ibigay o isanla ang parte ng kanyang parte sa lupa
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | January 13, 2022
Dear Chief Acosta,
Kaming dalawa ng kapatid ko ay nagmana ng lupain sa probinsiya mula sa aming mga magulang. Nang dahil sa plano kong magtayo ng maliit na pagkakakitaan sa Maynila, naisipan kong ibenta ang aking parte sa lupa upang gamiting pambayad sa mga gastusin.
Plano ko sanang ibenta ang kalahati ng lupain, ngunit tumututol ang aking kapatid dahil kailangan ko diumano muna hingin ang kanyang pahintulot. Tama ba ang aking kapatid? – Gener
Sagot
Dear Gener,
Ang co-owner ay mayroong absolute ownership sa kanyang parte sa lupa. Mayroon siyang karapatang ito ay ibenta, ibigay o isanla. Ito ay malinaw na nakasaad sa New Civil Code of the Philippines:
“Art. 493. Each co-owner shall have the full ownership of his part and of the fruits and benefits pertaining thereto, and he may therefore alienate, assign or mortgage it, and even substitute another person in its enjoyment, except when personal rights are involved. But the effect of the alienation or the mortgage, with respect to the co-owners, shall be limited to the portion which may be allotted to him in the division upon the termination of the co-ownership.”
(Binigyang-diin)
Ang co-owner na tulad ninyo ay itinuturing na may-ari ng kalahati ng lupain.
Samakatwid, walang sinuman ang puwedeng humadlang sa inyo upang ibenta ang inyong undivided share sa lupain maging ang inyong kapatid na kapwa ninyo may-ari.
Sa inyong sitwasyon, maaari ninyong ibenta ang inyong parte sa inyong lupa sa sinumang gustong bumili nito upang gamitin sa gastusin sa pagpapatayo ng maliit na pagkakakitaan. Dahil dito, ang taong makakabili ng inyong parte sa lupa ay magiging co-owner ng inyong kapatid.
Malinaw na sa ilalim ng ating batas, walang karapatan ang inyong kapatid upang ipatigil ang inyong plano na pagbebenta maliban na lamang kung mayroong personal rights na maaaring maapektuhan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments