May intimate scene pa naman sila… ANNE, BAHUNG-BAHO NANG DUMIGHAY SI JOSHUA
- BULGAR

- Jul 11, 2025
- 3 min read
ni Rohn Romulo @Run Wild | July 11, 2025
Photo: Carlo Joshua at Anne Curtis - IG
Inamin ni Joshua Garcia na nakaramdam siya ng iba’t ibang emosyon sa intimate scenes nila ni Anne Curtis sa Philippine adaptation ng ABS-CBN ng It’s Okay To Not Be Okay (IOTNBO) na magpi-premiere sa July 18 sa Netflix.
“Nandu’n ang kaba, nandu’n ang excitement, s’yempre, Anne Curtis ‘yun, sino ba naman ako?” pahayag ng mahusay na aktor.
Aniya pa, “So, in-enjoy ko lang every moment na nasa set ako ni Direk Mae (Cruz-Alviar) at tuwing kaeksena ko si Ate Anne. Ay, si Anne, dahil magagalit s’ya ‘pag in-ate ko s’ya.
“Pati si Kuya Carlo (Aquino), lahat ng moments ko with other actors like Tita Rio (Locsin), ang saya!”
Ayon pa kay Direk Mae, kinunan ang intimate scenes noong comfortable na sa isa’t isa sina Anne at Joshua.
Pagbubulgar naman ni Joshua, meron daw siyang embarrassing experience.
“Nasa dagat kasi kami, kaya mga fish-fish ang kinakain namin, nag-lunch kami. Noong kinagabihan, may intimate scene kami ni Anne, ‘yung naghahabulan kami sa bed.
“Napa-dighay ako, tapos naamoy ni Anne, sabi niya, ‘Dumighay ka ba?’ Sabi ko, ‘Oo.’ Sabi niya, ‘Ang baho!’
“Sobrang nakakahiya, pero at least, sobrang komportable na namin sa isa’t isa. Pero, oh my God, sobrang nakakahiya nu’n, pero share ko lang, ‘pag marinig na ‘yun, matatawa rin s’ya at ise-share rin n’ya ‘yun,” natatawang kuwento pa ni Joshua na napaka-humble pa rin.
Ayon kay Direk Mae, part ng story ang mga intimate scenes, kaya hindi puwedeng ma-delete ang iconic scenes.
Pag-amin pa ng direktor, “Sanay kasi ako na ang katrabaho ko ay love team na bawal mag-kiss. Now, I’m working with actors na hindi na sila ‘yung may love team. Nakatutuwa ‘yung proseso in doing intimate scenes o romantic na hindi magka-love team.
“Kasi nakikita mo ‘yung skill, how do you bring it out. Paano ‘yung tingin mo sa kanya, kasi ‘pag mag-boyfriend, madali lang, dahil meron kayong connection talaga romantically.
“Pero ‘pag wala, doon lumalabas ang galing nila as actors, mapapalabas mo ‘yung tingin na may attraction, and that’s acting.
“Kasi nga, mahusay silang mga artista, kaya nakakatuwa kasi parang, this is different din for me.
“Ang galing lang how the actors like Josh and Anne, kaya abangan n’yo ‘yung kissing scenes nila. At kahit alam mong it was choreograph, pinag-usapan ang mga eksena, binlock, pero alam mo the eyes are there emotionally, because they are excellent actors.”
Ang IOTNBO ay magiging available sa iWantTFC starting July 19. Mapapanood naman ito sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, Jeepney TV, A2Z, at TV5 mula sa July 21.
MAS magiging makabuluhan ang pagtatanghal ng ika-8 edisyon ng The EDDYS (The Entertainment Editors’ Choice Awards) sa July 20, 2025.
Inanunsiyo ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) na magiging beneficiary ng 8th EDDYS ang Little Ark Foundation.
Ngayong taon, ibabahagi ng SPEEd ang pagtulong at pagsuporta sa mga batang patuloy na nakikipaglaban sa iba't ibang medical condition.
Ang Little Ark Foundation ay isang non-governmental organization na nagbibigay ng komprehensibong suporta sa mga batang may cancer, thalassemia at iba pang malubhang sakit.
Bukod dito, nag-aalok din sila ng iba pang tulong tulad ng pansamantalang pabahay, transportasyon, pang-araw-araw na pagkain at emosyonal at logistic na suporta para sa mga pamilya.
Ang misyon nito ay bigyan ang mga bata hindi lamang ng pangangalaga na kailangan nila, kundi pati na rin ng isang ligtas na lugar upang gumaling at mangarap.
“This year, The EDDYS goes beyond recognizing cinematic excellence by standing with children who are bravely fighting for their lives,” pahayag ni Salve Asis, pangulo ng SPEEd.
“Through our support of the Little Ark Foundation, we hope to help ease their journey and bring attention to the crucial work being done for these young patients and their families,” dagdag ni Asis.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano suportahan ang Little Ark Foundation, bisitahin ang kanilang official website, littlearkfoundation.org.
Ang 8th EDDYS ay magaganap sa July 20 sa Ceremonial Hall ng Marriott Ballroom sa Newport World Resorts sa Pasay City.
Magkakaroon ito ng delayed telecast sa Kapamilya Channel, Jeepney TV at may worldwide streaming sa iWantTFC sa July 27, Linggo.
Major presenter ang Playtime PH sa pakikipagtulungan ng Globe at Unilab.
Co-presenter ng 8th EDDYS ang Newport World Resorts at ABS-CBN sa ilalim ng production ng Brightlight Entertainment na pinangungunahan ni Pat-P Daza at ididirek muli ni Eric Quizon.










Comments