May hiwaga ang kamatayan
- BULGAR
- Jun 29, 2021
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| June 29, 2021
Nagkataon lang ba na ang pagpanaw ni dating Pangulong Benigno Simeon Noynoy” Aquino III ay sa ika-100 araw bago ang Filing of Candidacy para sa Pambansang Halalan?
Nagkataon lang din ba na ang kamatayan ni Cardinal Sin ay sa kaarawan ni Cardinal Luis Antonio Tagle na pumalit kay Cardinal Gaudencio Rosales?
Gayundin, nagkataon lang ba na bago nagpasya si “Noynoy” na tumakbo sa pagka-pangulo ay pumanaw ang kanyang ina na si dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino? At sa kanyang pagkamatay, naghihintay ang marami na lumitaw ang pangalan ng isang kandidatong maaaring magbuklod at bumuo sa oposisyon.
Mahiwaga ang kamatayan. Minsan, magagawa nito ang hindi kaya o hirap gawin ng buhay. Sa group chat, nabasa natin ang palitan sa tinawag ng isa na “Aquino Necro-Politics.” Malinaw na hindi sang-ayon ang nagsulat nito sa nangyari noong halalan ng 2010.
Namatay si ex-P-Cory noong August 1, 2009. Kararating pa lang noon galing sa Hong Kong mula Ninoy Aquino International Airport tumuloy na ako ng Manila Cathedral para dalawalin at dasalan ang labi ng dating pangulo.
Walang anumang sumagi sa aking isip kundi ipagdasal siya na ilang beses nating nakausap at nakasama sa iba’t ibang pagkakataon. Ngunit, ‘kay lapit na ng petsa ng kamatayan ng dating Pangulo sa Filing of Candidacy ng ika-1 ng Oktubre 2009. Wala pang ilang araw pagkatapos ng libing ni ex-P-Cory, lumutang ang pangalan ni ex-P-Noy bilang kandidato.
Lumutang din ang ibang pangalan. At dumating ang halalan ng 2010 at nanalo si ex-P-Noy. Sa maaabot ng aking alaala, hindi na nahirapan ang oposisyong maghanap ng kandidato sa pagka-Pangulo. At sa dumating na halalan ito ang naging resulta.
Hindi naiiba ang problema ng oposisyon ngayon. Kailangan pa rin ng malinaw, matatag at mananalong kandidato, kaya lang ay tila mas madali noon na maghanap ng kandidato at ngayon hirap maghanap.
Bakit mas madaling maghanap ng kandidato noon? Mukhang hindi ganun ka-komplikadong maghanap ng kandidato at ikampanya ito noon. At hindi pa pumapasok sa agresibong paggamit ng social media ang mga kandidato noon. Nag-iba ang lahat sa halalan ng 2016. Isinilang ang mga trolls at nauso ang fake news.
At sa buong pamamahala ng kasalukuyang administrasyon nagpatuloy ang paggamit sa ganitong uri ng social media. Sa dami ng mga isyu ng kasalukuyang administrasyon, sa halip na sagutin ng maayos o tuwiran ang mga tanong at hinaing ng taumbayan, minamabuti na lang gawing “maliit na bagay” na “madaling ayusin sa madaling panahon” ang mga iba’t ibang isyung idinaraing ng taumbayan.
Sa pagkamatay ni ex-P-Noy, harinawa’y may isilang na bagong pananaw at pagpapahalaga sa kapangyarihan at pananagutang bumoto. Sana’y makita natin kung paano maaaring magbigay o magbawas ng buhay ang ating pagboto. Hindi nagkataon ang pagkamatay ni ex-P-Noy ngayon, tila sinasabi nitong huwag balewalain at huwag maliitin ang eleksiyon dahil kung tama at mabuti ang ating iboto at manalo ito tiyak magiging tahimik at mabunga ang ating buhay. Kung muli tayong magkamali, hindi malayong maulit at magpatuloy ang mga nangyari ngayon.





Comments