May halaga pa sa Bucks ang Game 3 Finals vs. Suns
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 11, 2021

Kahit nasa malayo, sabay-sabay ang malakas na sigaw ng “Bucks In Six” ng mga tagahanga ng Milwaukee Bucks sa mga pampublikong panonood ng 2021 NBA Finals sa lungsod ng Milwaukee, Wisconsin. Subalit para mapatotoo ito, kailangan na walisin ng kanilang koponan ang apat na sunod na laro sa seryeng best of seven matapos umakyat sa 2-0 ang karibal Phoenix Suns noong isang araw.
Mahalaga na makuha ng Bucks ang Game Three sa Lunes at Game Four sa Huwebes sa kanilang tahanan Fiserv Forum upang mabuhay ang pag-asa. Noong nakaraang Eastern Conference Semifinals, lumubog ang Milwaukee sa 0-2 kontra sa paboritong Brooklyn Nets subalit nagising at tinalo ang Nets sa Game Seven sa Barclays Center ngunit iba ang usapan dahil Phoenix Suns ang katapat nila ngayon.
Kung paabutin ng Game Seven, hindi maganda ang nakaraan ng Milwaukee kung babalikan ang kanilang huling pagsalang sa Finals noong 1974. Naipanalo ng mabagsik na “Sky Hook” ni Kareem Abdul-Jabbar ang Game Six kontra Boston Celtics sa Boston Garden subalit natalo ang Bucks sa Game Seven sa kanilang tahanan noon na Milwaukee Arena.
Ang tatlong araw na pagitan ng Game Two at Game Three ay pagkakataon para kay superstar Giannis Antetokounmpo na lalong pagalingin at palakasin ang kanyang tuhod. Kahit naglalaro ng pilay ay may mga halimaw na numero ang Greek Freak sa unang dalawa laro ng serye na 31.0 puntos at 14.5 rebound sa 37.7 minuto ng aksyon.
Sa panig ng Suns, mahalaga na ipagpatuloy nina Chris Paul, Devin Booker at Deandre Ayton ang kanilang mahusay na laro. Maliban sa tatlo, maganda na nakakahugot din ng ambag si Coach Monty Williams mula kay Mikal Bridges, Jae Crowder, Cameron Payne at Cameron Johnson.
Sa kasamaang palad, nadagdagan ang pilay ng Phoenix matapos magkaroon ng malalim na pasa sa tuhod si Torrey Craig noong Game Two matapos bumangga kay Giannis. Sasamahan na ni Craig ang kakamping si Dario Saric na napunit ang tuhod noong Game One at parehong hindi na maglalaro sa serye





Comments