May dulot na aral ang pandemya
- BULGAR
- Jun 21, 2021
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| June 21, 2021
Maging bukas, makinig, magtanong, magdasal at kumilatis. Ito ang dapat nating ginagawa sa lahat ng panahon, sa anumang krisis na ating pinagdaraanan. Matagal nang dumaraan ang ating bansa sa sari-saring krisis at malinaw na kung paano tumugon ang pamahalaan sa bawat krisis o problemang kinahaharap nito.
Ayon sa Malacañang, hindi maaaring maging batayan ang mga “newspaper clippings” at reports mula sa Rappler at ABS-CBN dahil ang lahat ng ito ay sabi-sabi lang. Talaga? Eh, paano ang mga pahayag ng pangulo na lumabas din sa opisyal na telebisyon ng gobyerno?
Madaling balewalain at ituring na basura ang desisyon ni Fatou Betsouda na nilalaman ng 57 pahinang liham nito sa mga abogado ng International Criminal Court (ICC).
At ganito ang pinalalabas ng pamahalaan dahil kailangang mapaniwala ang taumbayan na walang kuwenta, walang batayan at walang pupuntahan ang desisyon ng ICC sa pamumuno ni Betsouda.
Maraming paraan ng pagharap sa kaso — alam ito ng mga abogado. Matagal na kinalap ang mga ebidensiyang ginamit ni Betsouda. Pinag-aralan ang mga ito ni Betsouda at ng kanyang mga kasama. Matagal bago inilabas ang kanilang desisyon. Lumabas ito sa dulo na ng termino ni Betsouda na tiniyak na buo, walang labis at walang kulang ang ebidensiya na kanyang ipagkakatiwala sa kanyang kahaliling Karim Khan.
Ang paghahanap ng ebidensiya sa pagbuo ng kaso laban sa indibidwal o grupo ay tulad ng paggawa ng bakuna. Mahabang pagsasaliksik at pagpapalitan ng kaalaman, karanasan, pananaw, at paraan.
Ngayong panahon ng pandemya na napakahalaga ng pagpapalaganap ng bakuna, maraming nagkakalat ng sari-saring mapanira, eksaheradong balita o fake news. Dahil dito, nahahati ang mamamayan na dapat tumanggap ng bakuna. Lumalaganap ang kalituhan, duda at kawalan ng tiwala sa anumang lunas na ibinabahagi ng mga tumutulong na institusyon, tulad ng World Health Organization, Red Cross at iba pa.
Mabigat ang mga kalaban ng katotohanan — mabigat ang mga kalaban ng katarungan, gayundin ang mga kalaban ng kabutihan at kabanalan. Matindi ang virus na kumalat mula 2016. Nakamamatay ito.
Sana tulad ng sinabi natin sa simula, maging bukas, makinig, magtanong, magdasal at kilatising mabuti ang katotohanan at kalooban ng Diyos. Maraming sinasabi ang pandemya at EJK tungkol sa kasalukuyang administrasyon. Kung kailangang mangalap pa ng ICC ng karagdagang ebidensiya hinggil sa “Crimes Against Humanity” ng kasalukuyang administrasyon, at ganun ang gagawin nito, dapat nating gawin para sa nalalapit nang halalan.
Kung magtitiyaga tayong makinig, magtanong, magdasal at kumilatis ay makikita natin ang mahalaga at malalim na kaugnayan ng pandemya, EJK at eleksiyon 2022.





Comments