May Do-or-Die Game pa kaya magpustahan na!
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 29, 2023

Laro ngayong Martes – TD Garden
8:30 AM Miami vs. Boston
Itinapik papasok ni Derrick White ang bola kasabay ng huling busina upang ibigay sa bisitang Boston Celtics ang makapigil-hininga at gahiblang 104-103 panalo sa Miami Heat at itabla sa 3-3 ang 2023 NBA Eastern Conference Finals seryeng best-of-seven kahapon sa Kaseya Center.
Ang Game Seven ay gaganapin sa TD Garden ngayong Martes at sisikapin ng Celtics na kumpletuhin sa sariling tahanan ang kanilang pagbangon matapos matalo sa unang tatlong laro.
Bago ang pagbayani ni White, ipinasok ni Jimmy Butler ang tatlong free throw galing sa foul ni Al Horford upang ibalik ang lamang sa Miami, 103-102, at tatlong segundo sa orasan. Tumawag ang Boston ng timeout at nagmintis si Marcus Smart mula sa 26 talampakan subalit naiwang walang bantay si White na tumalon para sa nagpapanalong buslo.
Sinayang ng Celtics ang 98-88 lamang na may 5 minutong nalalabi at humabol ang Miami sa likod ng 13 puntos ni Butler at isang shoot ni Gabe Vincent. Hinigpitan ng Heat ang depensa at apat na free throw lang ang napiga ng Boston.
Bumuhos ng 31 puntos at 11 rebound si Jayson Tatum subalit hindi na siya pumuntos sa huling 5 minuto. Sumunod si Jaylen Brown na may 26 puntos at 10 rebound.
Nagtala si Butler ng 24 puntos at 11 rebound at sinundan ni Caleb Martin na may 21 puntos at 15 rebound. Walong manlalaro lang ang ginamit ni kabayan Coach Erik Spoelstra na nanindigan na kukunin nila ang Game 7.
Ang 2023 Celtics ang ika-apat na koponan na naitabla ang isang serye sa 3-3 matapos lumubog sa 0-3. Lahat ng tatlong humabol ay nabitin sa Game Seven subalit alam ng Boston na laging may unang pagkakataon na sumulat ng bagong kasaysayan.





Comments