top of page
WINNER - SEN. ROBIN, IPINAGDIINANG DDS SI JOSHUA-FB Robin Padilla.jpg

May ‘Agimat’ si P-Digong

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 11, 2022
  • 4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 11, 2022



Sa dinami-rami ng mga nagdaang Pangulo ng bansa, tila kakaiba talaga ang ipinamalas na performance nitong si Pangulong Rodrigo Duterte dahil hanggang sa huling sandali ng kanyang panunungkulan ay umaani pa rin ng papuri mula sa ating mga kababayan.


Patunay ito na kahit kabi-kabila ang mga batikos na kanyang tinatamasa mula sa ilang isinilang para bumatikos lamang ay hindi natinag ang kanyang performance rating kahit nag-aanunsiyo na siya na unti-unti na siyang nagliligpit ng kanyang kagamitan sa Palasyo.


Kung paniniwalaan lamang natin ang patuloy na pagbatikos ng ilang grupo o indibidwal na tutol sa panunungkulan ni Pangulong Duterte ay lumalabas na siya ang pinakamasamang naging Pangulo ng bansa, ngunit pinatunayan ng ating mga kababayan na wala itong katotohanan.


Alam naman nating napakabigat ng pagsubok na kinaharap ni Pangulong Duterte sa panahon ng pandemya, ngunit hindi siya natinag hanggang sa huling sandali at pinatunayan niyang kayang isalba ang bansa sa kabila ng napakaraming kumukontra hanggang sa pagtuturok ng bakuna.


Idagdag pa ang simula’t simula pa lamang ay binabatikos na ito sa kanyang sistema sa paglaban sa ipinagbabawal na gamot dahil sa kakaiba umano nitong estilo, ngunit sa huli ay napatunayang mas marami sa ating mga kababayan ang positibo ang tingin dito.


Pinatotohanan din ito ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Philippine National Police (PNP) na ang pinaigting na paglaban sa bawal na gamot ay humantong sa resultang wala na kahit isang shabu laboratory sa bansa at puro imported na ang mga nakalulusot na droga.


Siyempre, nagtaasan na naman ang kilay ng mga laban kay Pangulong Duterte sa pinakahuling survey na inilabas ng Social Weather Stations (SWS), kung saan nakakuha ng ‘very good’ net satisfaction rating ang Pangulo sa pinakahuling quarter ng taon nang kanyang pananatili sa Malakanyang.


Kumpara noong nakaraang Setyembre 2021, ang gross satisfaction ng Pangulo ay tumaas pa ng 8 puntos mula sa 67%, ang gross undecided ay bumagsak naman sa 2 puntos mula 11% at ang gross dissatisfaction ay nanatili sa 15% ayon mismo sa ulat ng SWS sa isinagawa nilang non-commissioned survey.


Sa kabuuan ay nagbigay ito ng net satisfaction rating na +60 (% satisfied minus % dissatisfied) na klinasipika mismo ng SWS na very good na isang kahanga-hangang narating ng Pangulo sa kanyang panunungkulan at sa kasaysayan ng mga naging Pangulo ng bansa.


Ang naturang survey ay isinagawa nationwide mula sa Disyembre 12 hanggang 16, 2021 gamit ang face-to-face interview sa may 1,440 adults na may edad 18 pataas na nagresulta sa 75% ng adult Filipinos ay satisfied, 9% undecided habang ang 15% ay dissatisfied.


Ang sampling error margin ay nasa ±2.6% para sa national percentages, at ±5.2% para sa pagkakapantay-patay ng Luzon, Metro Manila, Visayas at Mindanao.


Ang net satisfaction rating ni Pangulong Duterte ay higit na mas mataas sa mga naunang ulat hinggil sa naisagawa ng two doses ng vaccine ng COVID-19 na (very good +61), maging sa unang dose ng bakuna na (very good +63), sa bilang ng mga desididong magpabakuna ( very good +67), sa mga hindi desididong magpabakuna (good +29) at sa mga ayaw talagang magpabakuna (moderate +29).


Ayon pa sa SWS, ang 8 puntos na itinaas ay dahil sa karagdagang mula sa Metro Manila, Balance Luzon na may kombinasyon ng steady net ratings of excellent sa Mindanao at nakakuha naman ng ‘good’ sa Visayas, tumaas din mula sa good ay naging very good sa Balance Luzon na umabot ng 12 puntos mula +44 hanggang + 56.


Nanatiling excellent sa Mindanao ang rating ng Pangulo na tumaas ng 4 puntos mula +76 hanggang +80 habang sa Visayas ay nanatiling good na medyo bumigat ang paggalaw mula +44 hanggang +45 at ang urban net satisfaction nito ay tumaas din mula good patungong very good, na umabot sa 15 puntos mula +49 hanggang +64, samantalang ang rural net satisfaction ay nanatili sa very good, mula sa +55 hanggang +56.


Detalyado, maliwanag ang isinagawang survey ng SWS at paano natin ito tututulan gayung tao mismo ang nagsalita na kontento sila sa panunungkulan ni Pangulong Duterte at sa kasaysayan ng bansa ay tanging siya lamang ang patapos na ang termino pero napakataas pa rin ng net satisfaction rating.


Kung babalikan natin ang net satisfaction ratings ng mga nagdaang Pangulo, si Corazon Aquino ay nakakuha lamang ng +35; si Fidel Ramos ay +38; si Joseph Estrada ay +33; si Gloria Arroyo ay -7; at si Noynoy Aquino ay +45 na lubhang napakalayo sa +60 ni Pangulong Duterte na kuntento talaga ang marami sa ating mga kababayan.


Marahil ay marunong na talaga ang sambayanan at hindi na nakasandal na lamang sa mga batikos at binibitawang paninira ng mga ‘turuang loro’ at alam na nila kung sino ang nagtatrabaho at nagpapapogi lamang o posibleng may ‘agimat’ si Pangulong Duterte.


Naniniwala tayong taglay ng Pangulo ang ‘agimat’ ng isang tunay na Pilipino na hindi kayang buwagin ang kanyang paninindigan sa anumang bagay na nais niyang ipatupad kahit harangan man ng maraming balakid ay buo ang kanyang loob na ipatupad ito.


Ang ‘agimat’ ng Pangulo ay ang tiwala, pagmamahal at pakikiisa ng taumbayan na hanggang sa huling sandali ng kanyang panunungkulan ay kaniya pa ring nararanasan.


Mami-miss ka naming lahat!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page