May 12 apo na… JERIC, PROUD NA 'DI MUSLIM PERO MARAMING PAMILYA
ni Julie Bonifacio @Winner | July 27, 2023

Proud dad si Jeric Raval para sa pagtatapos ng kanyang anak na si AJ Raval sa high school.
Malaki ang pagpapahalaga ni Jeric sa edukasyon, kaya ganoon na lang siya kasaya sa latest achievement ng kanyang controversial daughter.
“Siyempre, happy ako para sa kanya dahil ‘yun ang isang bagay na hindi mananakaw sa ‘yo, eh.
‘Yung katalinuhan, kaalaman, edukasyon. Matatapos ang movie career mo pero ang kaalaman, mananatili sa ‘yo ‘yan,” eksklusibong pahayag ni Jeric sa amin.
Sobrang naging busy daw kasi si AJ sa paggawa ng mga movies, kaya pansamantalang huminto ito sa pag-aaral.
“Wala siyang time dahil sunud-sunod ang projects niya, eh. Alam naman ng lahat na kapag ikaw ay usung-uso sa movie industry, kailangan, meron kang i-give-up or i-sacrifice. Kasama na roon ‘yung pag-aaral niya,” diin ni Jeric.
Firm believer daw kasi ng edukasyon si Jeric.
“Oo, actually, ako naman ‘yung nagsasabi sa mga bata, ‘Huwag kayong mag-artista, mag-aral kayo.’ Ine-encourage ko siya na magpatuloy sa pag-aaral. Sabi ko nga sa kanya, mag-college siya, eh. Mahilig namang mag-aral ang batang ‘yun,” say ni Jeric.
Kung si Jeric ang masusunod, gusto niya na pasukin ni AJ ang pagpupulis.
Rason niya, “Gusto ko sana, mag-PNPA siya, eh. Parang gusto niya, mag-military. Ayaw niyang mag-PNPA.”
Pangarap daw kasi nila na mag-pulis si AJ.
“Kasi, galing kami sa mga men in uniform, eh, ang pamilya namin. Hindi nga lang PNP, puro kami military,” sabi pa ni Jeric.
Nakausap namin si Jeric sa mediacon ng pelikulang Mamay sa direksiyon ni Neal ‘Buboy’ Tan. Ang Mamay ay tungkol sa life story ni Nunungan, Lanao del Sur Mayor Marcos Mamay.
Hiningan naman namin ng update si Jeric sa ‘di mamatay-matay na isyu kay AJ sa pagkakaroon nito ng anak.
“Maraming nagtatanong sa akin niyan, lagi-lagi na lang. Ang tagal na noon, pero wala namang lumitaw na bata,” ani Jeric.
Dagdag pa niya, “Alam naman ng iba na marami akong apo, 11 sila. Twelve na nga, eh. Sa isa kong anak ‘yun. Eh, siyempre, kapag nasa bahay, karga-karga ni AJ ang mga bata. So, akala nila, anak ni AJ. Kung sinu-sinong batang bago, kung sino ‘yung batang karga-karga, akala nila, anak ni AJ. Pero walang anak doon si AJ.
“Sabi ko lang sa kanya, ‘Hayaan mo lang, anak, para pag-usapan ka.’ Hahaha!”
Samantala, first time pa lang ni Jeric na gumanap ng isang true-to-life character sa pelikula via the movie Mamay. Aminado si Jeric na naka-relate siya sa buhay ni Mayor Mamay.
“Medyo... medyo. Lahat halos,” sabay tawa niya. “Siyempre, alam naman natin na Muslim sina Mayor Mamay. Ako, hindi naman ako Muslim, pero marami akong pamilya. Hahaha!”
Kapareha ni Jeric sa Mamay si Ara Mina bilang misis ni Mayor Mamay.
“Nagkasama na kami ni Ara noon sa Regal, eh, pero sa TV lang, sa movies, wala pa. Muntik ko na siyang maging leading lady sa Regal, kaya lang, hindi natuloy.
“Pero okey naman kami sa set ng Mamay, kasi matagal na kaming magkakilala. Close naman kami ni Ara. Magkaibigan kami niyan. Isa lang ang manager namin dati, ‘di ba, si Dondon Monteverde.”
Niligawan ba niya o naging girlfriend din niya si Ara noon?
“Uh, hindi.... hindi,” sambit ni Jeric na may kasamang pilyong ngiti.





Comments