Mavs at 76ers, inilabas ang sandata para makatabla

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 10, 2022

Matalas na 3-points ang sandata ng Dallas Mavericks sa 111-101 nilang panalo sa numero unong Phoenix Suns at ipantay sa 2-2 ang seryeng best-of-seven ng 2022 NBA Playoffs Western Conference Semifinals, kahapon sa American Airlines Center. Tabla na rin ang serye sa Eastern Conference matapos pigain ng Philadelphia 76ers ang 116-108 tagumpay sa bisitang Miami Heat.
First quarter pa lang ay buwenas agad si Dorian Finney-Smith at ipinasok ang tatlong tres habang 9 na puntos din si Luka Doncic para sa 37-25 lamang ng Mavs at hindi na nila binitiwan ito. Dagdag sa suliranin ng Suns ang maagang mga foul ni Chris Paul at napilitang umupo nang matagal.
Kababalik lang ni Paul sa 4th quarter at natawagan siya agad ng kanyang ikaanim at huling foul na may 9 na minuto pa at lamang ang Dallas, 89-81. Mula roon ay pumukol ng dalawa pang three-points si DFS at uminit din sina Jalen Brunson at Doncic para sa mga pandiin na puntos.
Nagtapos na may walong 3-points si DFS para sa 24 puntos at may kabuuang 20 tres ang Dallas kumpara sa siyam lang ng Phoenix. Double-double si Doncic na 26 puntos at 11 assist habang 18 puntos si Brunson.
Gumawa ng 35 puntos si Devin Booker kasama ang free throw na nagbigay sa Suns ng kanilang huling lamang, 8-7, noong first quarter bago umarangkada ang Dallas. Naglaro lang ng 23 minuto si Paul, subalit namigay na siya ng pitong assist kasama ng 5 puntos.
Kinuha ni James Harden ang pagkakataon na magpasikat sa second half para sa ikalawang sunod na panalo. Binuhos ni Harden ang 18 ng kanyang 31 puntos kung saan umabot ng 14 ang kanilang lamang sa 4th quarter, 101-87.
Nakalapit ang Miami, 103-109, subalit napigil ito ng dunk ni Tobias Harris at 3-points ni Harden para sa mas komportableng 114-103 agwat papasok sa huling minuto ng laro.





Comments