top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Matutuldukan na rin ang text scam sa 'Pinas

BULGAR
Oct 12, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 12, 2022


Ang Pilipinas ay tinaguriang text capital of the world dahil sa mahigit 83 milyon nating kababayan ang gumagamit ng mobile phone. Malungkot pang na bunga nito ay ang bansa rin natin ang naging pugad ng scam gamit din ang text messages.


Hindi lang ordinaryong manloloko ang nasa likod ng mga panlolokong ito at malakas ang kutob nating malaking sindikato ang nagpapatakbo ng mga modus dahil ngayon ay tukoy pa mismo ang pangalan ng mga bibiktimahin imbes na magpadala ng iisang naka-template na message lamang.


Mismong si Supreme Court Justice Marvic Leonen ay nag-post sa kanyang Twitter account kamakailan na pinag-iingat ang publiko dahil sa tukoy na umano ng mga scammer ang pangalan ng kanilang puntirya na labis nang nakakaalarma at lubhang napakadelikado.


Maging ang National Privacy Commission (NPC) ay nagsimula nang kumilos para mag-imbestiga kung saan ba talaga nagsimula ang biglaan na lamang paglala ng sitwasyon higgil sa text scam.


Kinailangan na ring makipag-ugnayan ng NPC sa National Telecommunication Commission (NTC), anti-cybercrime group ng Philippine National Police at maging sa mga major telecommunications companies upang matukoy lamang ang problema.


Dahil sa wala pa talagang matukoy kung sino ang nasa likod ng mga text scam ay inatasan ng NTC ang local telco players na magsagawa ng text blast sa kanilang mga subscribers na mag-ingat sa mga bagong istilo ng scam.


Karaniwang nag-aalok ng pekeng trabaho o biglang nanalo sa kung saang papremyo at mga kahalintulad na mensahe na lahat ay nang-iingganyo para mahikayat lamang ang puntiryang biktima.


Wala namang pagtutol ang Globe na sumunod sa utos ng NTC at hindi lang basta pakisama ang kanilang ginawa dahil nasa 784 milyong scam at spam messages ang kanilang nai-blocked.


Umabot din sa 14,058 mobile numbers ang na-deactivate ng Globe at nasa 8,973 ang blacklisted na dahil sa napatunayang sangkot sa phishing na isang malaking hakbang na ngunit wala pa ring matukoy na salarin.


Ganoon din ang PLDT at Smart na halos nasa 78,000 ang SIM cards ang natukoy na konektado sa katiwalian at nasa 23 milyong text ang nakumpirmang konektado sa phishing sites at may na-detect silang 600,000 text scams.


Kamakailan lang, inanunsyo ng Globe na kanilang iba-block at hindi na palulusutin ang lahat ng text messages na may nilalamang weblink upang maharang ang mga text scam.

Ngunit ang lahat ng pagsisikap na ito ay tila nauuwi sa wala dahil imbes na mabawasan, lalo pang naging agresibo ang pagdating ng mga scam messages. Nagmistulang anesthesia lamang para pansamantalang mamanhid ang publiko hanggang sa makalimutan na ang kasalukuyang problema sa text scam.


Kaya dapat lang bigyan ng papuri si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. (PBBM) dahil sa napapanahong pagtalima nito sa Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration na isinumite ng Kongreso.


Bilang isa sa author ay dumalo tayo sa Palasyo ng Malakanyang noong Lunes ng umaga para sa isang ceremonial signing ng naturang panukala na ngayon ay isa nang ganap na batas.


Sa ilalim ng kalalagda lamang na batas ay nakapaloob na lahat ng gumagamit ng public telecommunications entities (PTEs) ay kailangang irehistro ang kani-kanilang SIM cards.


Sa pagpaparehistro ng SIM card ay kailangang ibigay ang buong pangalan, araw ng kapanganaka at kung saan nakatira na may kalakip na valid government-issued ID para magamit sa beripikasyon.


Kahit maging ang mga kasalukuyan nang subscribers ay kinakailangang magparehistro rin sa kanilang PTE sa loob ng 180-araw mula sa mismong araw na naging epektibo na ang nabanggit na batas.


Hindi puwedeng balewalain ang kalalagda lang na batas dahil ang kabiguan ng mga kasalukuyang gumagamit na ng SIM cards na iparehistro sa ibinagay na palugit ay awtomatikong hindi gagana o hindi na nila magagamit pa ang kanilang SIM card.


Malaki ang pag-asa nating matutuldukan na ang palala nang palalang sitwasyon ng kung anu-anong scam gamit ang hindi rehistradong SIM card na dati-rati ay nagkalat lamang sa bangketa at napakadaling mabili.


Nitong nagdaang mga linggo ay halos hindi na mabilang ang nabiktima ng scam text messages na patindi nang patindi dahil kahit ang pangalan ng mga target na maging biktima ay tukoy na ng mga kawatan online.


Dahil sa pagkakalagda ni P-BBM ay magiging mabilis na para sa mga awtoridad kung paano ireresolba ang mga krimen na kinasasangkutan ng mga masasama ang loob gamit ang kani-kanilang cellphone.


Maaari nang umasa ang ating mga kababayan, lalo na ‘yung mga naging biktima na ng scam na isa sa mga araw na darating ay may masasakote na sa mga ‘yan dahil madali na silang matutukoy.


Kaya pasalamat tayo kay P-BBM dahil nilagdaan na niya ang pinakahihintay na batas na matagal na nating kailangan!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page