MATTEO, DINIDIKTAHAN DAW SI SARAH
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | May 20, 2023

Napaka-unfair naman para kay Matteo Guidicelli ang maakusahan na siya ang nagdidikta sa wifey niyang si Sarah Geronimo. Tulad daw sa hindi pagkakasama ng grupong G-Force sa nakaraang 20th anniversary concert ni Sarah sa Araneta Coliseum.
Pinapalabas na desisyon ni Matteo kung bakit naligwak ang G-Force dancers ni Teacher Georcelle sa nasabing concert.
Well, parang hindi naman si Matteo ang klase ng taong diktador at nakikialam sa mga desisyon ni Sarah tungkol sa kanyang career. Hindi naman siguro pipiliing mahalin at pakasalan ng Popstar Royalty si Matteo kung wala itong nakitang mga magagandang katangian na taglay niya.
At sa tagal ni Sarah sa industriya, hindi siya ang tipo ng taong basta-basta na lang magpapakontrol at magpapadikta sa kung sinuman, kahit na sa kanyang mister.
Hindi pa lang ganap na nakikilala ng lahat ang tunay na pagkatao ni Matteo, kung kaya't siya ang pinaghihinalaang nagdedesisyon para kay Sarah.
Well, ngayon nga ay sinusubukan na nitong mag-reach out sa lahat at maganda rin ang exposure niya sa morning show na Unang Hirit.
Marami ang natutuwa kay Matteo sa kanyang pagiging natural. Kahit na mestizo siya at sosyal tingnan ay wala itong kiyeme sa katawan.
Namamangha rin ang mga netizens sa paraan ng pagsasalita ni Matteo dahil dinig na dinig mo na may puntong Bisaya ito.
Anyway, hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na galing siya sa isang mayamang angkan sa Cebu City.
Samantala, natutuwa naman ang mga hosts ng morning show na Unang Hirit kay Matteo dahil game na game ito sa kahit anong ipagawa sa kanya.
Siguradong aliw na aliw ang mga manonood ng nasabing morning show sa tuwing napapanood nila sa telebisyon ang mister ni Sarah Geronimo.
At bukod sa pagiging host, sasabak din si Matteo sa isang action series kasama ang Kapuso actor na si Ruru Madrid.
So far, mukha namang naging madali ang adjustment ni Matteo sa Kapuso Network at nakikita ng mga netizens na masaya rin ang aktor sa kanyang ginagawa.





Comments