top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Matingkad ang tagumpay ng 2022 sa Women's Football

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 30, 2022
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | December 30, 2022




Binihag ng Philippine Women’s Football National Team ang mga tagahanga sa kombinasyon ng mahusay na ipinakita sa loob at labas ng palaruan ngayong 2022.


Hindi makakalimutan ng Filipinas ang nakalipas na taon na tadtad ng karangalan, pangunahin ang makasaysayang pagpasok ng bansa sa 2023 FIFA Women’s World Cup.


Nabuhayan agad ng dugo ang Women’s Football matapos umabot ng semifinals ang Pilipinas sa 2022 AFC Women’s Asian Cup India noong Enero 31. Natakasan ng mga Pinay ang makapigil-hiningang penalty shootout kontra Chinese-Taipei sa quarterfinals at kahit nabigo sa Timog Korea sa semifinals, sigurado na ang tiket patungong World Cup sa Hulyo sa New Zealand.


Todo ganado na ang Filipinas at binitbit nila ito sa 31st Southeast Asian Games sa Vietnam noong Mayo na nagbunga ng tanso, ang pinakaunang medalya ng bansa buhat noong 1985. Subalit may mas naghihintay na mas malaking tagumpay.


Sa harap ng kanilang mga kababayan, inuwi ng Filipinas ang kanilang pinakaunang AFF Women’s Championship noong Hulyo 24 sa Rizal Memorial Stadium. Tinambakan nila ang Thailand para sa tropeo, 3-0, at winakas ang ilang taon na hanggang semifinals lang ang inaabot.


Habang naghihintay ay nanatiling abala ang Filipinas at nagtakda sina Coach Alen Stajcic at team manager Jefferson Cheng ng mga FIFA Friendly sa pagitan ng mga torneo. Lumakbay ang koponan upang makalaro ang mga bigatin tulad ng Ireland, Bosnia at Herzegovina, New Zealand, Costa Rica, Chile at Papua New Guinea – kasama rin ang walang-awang 16-0 pagdurog sa Tonga noong Abril.


Tinapos ng Filipinas ang 2022 na may 19 panalo, dalawang tabla at siyam na talo at gumawa ng 98 goal habang namigay ng 27 sa kalaban. Asahan na magiging puno ang kanilang kalendaryo sa pagsabak sa Pinatar Cup sa Espana sa Pebrero at 32nd SEA Games Cambodia sa Mayo bago ang World Cup.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page