Matindi ang epekto ng pandemya sa mental health
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | March 25, 2021
Mayroong nakababahalang balitang inilabas ang Philippine Statistics Authority noong nakaraang linggo.
Ayon sa PSA, tumaas ng 25.7 percent ang kaso ng suicide sa bansa noong 2020. 3,529 ang naitalang namatay sa suicide sa nakaraang taon, kumpara sa 2,808 recorded deaths noong 2019.
Suicide ang ika-27 leading cause of death noong 2020, mula ika-31 sa 2019.
◘◘◘
Kamakailan, sinabi rin ng Department of Health na tumaas ang bilang ng mga tumawag sa hotlines ng National Center for Mental Health.
Sa 1st quarter pa lang ng 2021, umabot na sa 3, 006 Pilipino ang humingi ng tulong mula sa NCMH.
Noong 2020, ang kabuuan ng tumawag sa NCMH ay umabot sa 11,017 calls. 1, 282 ng kasong ito ay suicide-related calls.
◘◘◘
Matindi ang epekto ng kasalukuyang pandemya sa mental health.
Isang taon na nating pinapasan ang bigat ng pangamba at pagkablisa na dala ng sitwasyong tila hindi bumubuti.
Ang masaklap, hindi nabibigyan ng karampatang suporta ang mga kababayan nating nagdurusa sa mental health issues.
Tatlong taon matapos maisabatas ang Republic Act 11036 o ang Mental Health Act, hindi pa rin nagagawa ng DOH ang guidelines na mandato nilang gawin.
Mahalaga ang “mental health standards” dahil ito ang magiging basehan sa pagtaguyod ng maayos na primary mental health services lalo na sa barangay, municipal at city level.
Hinaing din ng mga kinatawan ng educational institutions na hindi pa rin nadaragdagan ang bilang ng mga mental health professionals, lalo na ang mga guidance counselors na malaki sana ang maitutulong sa mga estudyante sa pagharap sa mga hamon ng distance learning.
◘◘◘
Nananawagan tayo sa pamahalaan na sa lalong madaling panahon ay ipatupad na ang mga naka-mandato sa Mental Health Act.
At sa ating mga ka-Be Nice, huwag sana nating kalimutan to check up on our family and friends. Huwag tayong mahihiyang kamustahin ang mga mahal natin sa buhay. A kind word can do a world of good for people suffering mental health issues.
Sa mga kababayan nating dumaranas ng mental health issues, huwag kayong mag-atubiling humingi ng tulong sa pagharap ng problema ninyo.
Let us all help each other cope with the pressures of this pandemic.
◘◘◘
Kung gusto ninyong i-avail ang serbisyo ng NCMH, matatawagan sila sa kanilang mga crisis hotlines: 0917-899-USAP (8727) at 7-989-USAP (8727).
◘◘◘
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments