Matikas si Angry Maxinne sa 3-YO Turf Maiden Race
- BULGAR
- Jun 20, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | June 20, 2023
Sinikwat ni Angry Maxinne ang panalo sa 3-Year-Old & Above Maiden race noong Linggo sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Hindi nag-apura sa paglabas ng aparato si Angry Maxinne, pumuwesto sa tersero upang panoorin ang naglulutsahan sa unahan na Keep The Jade at Little Annie.
Nanatili sa puwesto si Angry Maxinne hanggang sa pagsapit ng home stretch subalit sa rektahan ay nasilayan ng mga karerista ang tikas ng winning horse sa rematehan.
Nakuha ni Angry Maxinne ang unahan sa huling 150 metro ng karera, tinawid nito ang meta ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang si Sky Lover.
Nirendahan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate, inilista ng Angry Maxinne ang tiyempong 1:10. 6 sa 1,000 meter race sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
"Maganda ang diskarte sa pagkakadala ni Zarate kay Angry Maxinne, timing ang paremate niya," saad ni Bernard Pablo, veteran karerista.
Nasilo ng winning horse owner na si Ng Cruz ang P20,000 added prize sa pagkakapanalo ng anak nina Telesto at Sweet Bourbon na Angry Maxinne.
Terserong tumawid ng meta ang Little Annie habang pumang-apat ang Instant Message.
Samantala, pitong karera ang pinakawalan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya naman nasiyahan ang mga karerista sa kanilang pananaya.





Comments