top of page
Pokwang.jpg

Matapos manggulantang ang Kaya Iloilo, 2nd place kontra UCFC Champ

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 11, 2020
2 min read

ni Anthony Servinio - @Sports | November 11, 2020




Binahiran ng Kaya Iloilo ang dating malinis na kartada ng United City matapos gulatin ang kampeon, 2-1, sa huling laban ng mga koponan sa 2020 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways Lunes ng gabi sa Philippine Football Federation (PFF) National Training Center sa Carmona, Cavite. Dahil dito, nagtapos ang Kaya sa 2nd place na may 11 puntos, kulang ng isa kumpara sa 12 ng UCFC at magawa ang hindi nagawa ng apat na iba pang koponan na pabagsakin ang numero unong koponan.


Pinili ni Coach Frank Muescan ng UCFC na palaruin sa halip ang kanyang mga reserba at pahingahin ang mga bituin. Ginamit ng Kaya ang pagkakataon upang lumamang agad sa first half sa bisa ng mga goal nina Kenshiro Daniels at Carlyle Mitchell.


Sinalo ni Daniels ang pasa ni Eric Giganto para ipasok ng malapitan ang unang goal sa ika-15 minuto. Sinundan ito ng corner kick ni Daniels na ika-38 minuto na dumiretso sa ulo ni Mitchell para lalong lumayo, 2-0.


Napilitang magpalit ng manlalaro ang UCFC at pinasok sina Bienvenido Maranon at Takashi Odawara sa simula ng second half subalit matibay ang Kaya. Nakabawi ng isang goal ang isa pang reserba na si Manny Ott sa ika-83 minuto subalit hindi naging sapat ang nalalabing oras para makalikha ng isa pang goal.


Iginawad ang tropeo ni PFF President Mariano Araneta at PFL Commissioner Mikhail Torre at mga medalya kay UCFC CEO Eric Gottschalk at buong koponan sa payak na seremonya. Napunta din sa koponan ang Golden Ball o katumbas ng Most Valuable Player kay kapitan Stephan Schrock, Golden Boot o pinakamaraming goal kay Maranon at Golden Glove kay Anthony Pinthus bilang pinakamahusay na goalkeeper.


Sasamahan ng Kaya ang UCFC bilang mga opisyal na kinatawan ng Pilipinas sa 2021 AFC Champions League na nakatakda sa Enero. Pasok na ang UCFC sa group stages habang kailangang dumaan ng qualifier ang Kaya upang maging bahagi ng 40 koponan ng pinakamalaking torneo sa Asya.


Sa isa pang laro, nakamit ng Mendiola 1991 ang unang panalo kontra Maharlika Manila, 2-0. Inulo papasok ni Jon Aaron Nebreja ang pambungad na goal sa ika-25 at sinundan ito ng pandiin ni kapitan Jim Ashley Flores sa ika-90 minuto upang umangat sa 4 puntos at 4th place papasok sa huling laban ngayong Huwebes laban sa Stallion Laguna simula 4:30 ng hapon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page