top of page

Matagal pa raw ang therapy… IGAN, NAWALAN NG PAKIRAMDAM ANG MGA KAMAY DAHIL SA STROKE

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 22, 2024
  • 2 min read

ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | June 22, 2024


Showbiz News
Photo; Arnold Clavio / IG & FB

Nagsimula na ng kanyang theraphy ang veteran broadcast journalist na si Arnold Clavio matapos magkaroon ng hemorrhagic stroke noong June 11.


Matatandaang ibinahagi ni Igan sa kanyang Instagram (IG) account nu’ng nakaraang linggo ang kanyang naranasang health scare nang atakihin siya, since then ay nagbibigay siya ng update para rin makatulong sa mga katulad niyang nasa parehong sitwasyon.


“The worst is over, sabi nga ni Dr. Vincent Valencia, Cardiologist . Ang sarap pakinggan pero it is not yet over, mahaba-haba ang laban na ito.


“Ayon kay Dr. Greg Dayrit, neurologist, kailangan ko ng 6 na linggong pahinga, rehabilitasyon at therapy para manumbalik ang dati kong lakas at kilos,” pagbabahagi ni Igan sa kanyang recent update.


“Dahil sa pagdurugo ng kaliwang bahagi ng aking utak dulot ng altapresyon, naging mahina ang kanang bahagi ng aking katawan. Sinubukan kong humakbang pero umiikot ang aking paligid at muntik-muntikan ako na mabuwal. Wala pa rin akong balanse,” aniya.


“Kailangan ding maibaba pa ang aking blood pressure at sugar para ‘di na maulit ang pagputok sa aking utak. Kaya sinimulan na rin akong turukan ng insulin at mga gamot sa blood pressure at pagbaba ng cholesterol,” patuloy niya.


At sa pinaka-latest update ni Igan kahapon, ikinuwento niyang sinimulan na rin daw ang occupational therapy (OT) sa kanya.


“Hindi lang physical therapy ang kailangan para manumbalik sa dati ang lakas ng kanang bahagi ng aking katawan.


“Inirekomenda rin ni Dr. Lyde Alday-Magpantay ang ‘occupational therapy’ (OT),” kuwento niya.


“Sa proseso ng OT, sisikapin na maibalik ang sensor o pakiramdam ng aking mga kamay. Dahil sa hemorrhagic stroke, labis na naapektuhan ang aking kanang kamay,” paliwanag ni Igan.


“Sa tulong ni Dave, isang occupational therapist, binigyan niya ako ng mga exercises para bumalik sa normal ang pakiramdam ng aking kanang kamay,” sey ni Igan.


Aniya pa, “Kailangan dito ang matinding tiyaga.”


Nagbigay din ng mensahe si Igan sa mga katulad niyang nakaranas ng stroke na sundan na lang daw ang mga ehersisyong ipinagawa sa kanya.


“Sa mga nakaranas ng stroke, maaari ninyong sundan ang mga ehersisyo na ipinagawa sa ‘kin para muling bumalik ang sigla ng inyong pangangatawan.


“Sama-sama nating malalagpasan ang pagsubok na ito sa tulong ng inyong mga panalangin at sa makapangyarihan na pangalan ni Hesus, Amen,” saad ng batikang Kapuso broadcaster.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page