Masamang epekto ng madalas o matagal na pag-upo
- BULGAR

- Jun 30
- 3 min read
ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | June 30, 2025
Photo BG: FP
Dear Doc Erwin,
Ako ay isang manager sa isang pribadong company sa Quezon City. Dahil sa maraming face-to-face meetings sa aming opisina at mga zoom meetings ay madalas akong nakaupo sa maghapon. Ayon sa isang kaibigan ay maaaring makasama ang madalas at palagiang pag-upo sa aking kalusugan.
Nais ko sanang isangguni sa inyo ang payo na ito ng aking kaibigan. Makakasama ba ang palagiang pag-upo sa maghapon? Regular akong nag-e-exercise. Maraming salamat at nawa’y mabigyan n‘yo ng pansin ang aking liham at mga katanungan. — Maria Imelda
Maraming salamat Maria Imelda sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.
Ayon sa research article na isinulat nina Eric Shiroma at I-Min Lee, mga epidemiologists mula sa Harvard School of Public Health sa medical journal na Circulation noong August 17, 2010, ang physical activity ay nakakababa ng risk ng all-cause mortality, sakit sa puso, diabetes, stroke at ilang uri ng cancer. Ayon sa kanila ang mga physically active na indibidwal ay may 30% to 40% na risk reduction kung ikukumpara sa mga hindi physically active.
Inirerekomenda sa 2008 Physical Activity Guidelines for Americans ng federal government ng Amerika na magkaroon ng minimum na 150 minutes kada linggo na moderate intensity na aerobic physical activity o kaya ay 75 minutes na vigorous intensity aerobic physical activity. Ayon sa guidelines na nabanggit, may mga additional health benefits hanggang 300 minutes ng moderate intensity physical activity o kaya ay 150 minutes of vigorous intensity na physical activity.
Ano kaya ang maaaring epekto sa ating kalusugan kung hindi natin maabot ang minimum na physical activity na kinakailangan? Ayon sa dalawang scientific articles na na-publish sa tanyag na medical journal na Lancet noong taong 2012, ang physical inactivity ay itinuturing na pang-apat na leading cause of death at estimated na 6 na porsyento ng sakit sa puso, 7 porsyento ng Type 2 diabetes, 10 porsyento ng breast cancer at colon cancer ay dahil sa physical inactivity.
Kung kayo ay regular na nag-e-exercise at nasusunod ninyo ang rekomendasyon sa nabanggit na 2008 Physical Activity Guidelines ay mas mababa ang risk ninyo na magkaroon ng mga sakit na nabanggit. Mas mababa rin ang risk ninyo sa all-cause mortality.
Ang madalas na pag-upo na inyong nabanggit ay kabilang sa tinatawag na sedentary behavior. Ito ay kakaibang konsepto sa physical inactivity. Ayon sa artikulong Compendium of Physical Activities na nailathala noong 2011, kasama ng mga sedentary behavior, bukod sa pag-upo, pag-recline at paghiga, ang panonood ng TV, pakikinig sa musika, pagbabasa at pagsusulat, pananahi, paglalaro ng video at computer games at pagsakay sa kotse.
Ang pag-upo ng matagal at kakulangan ng physical activity ay may mga kaukulang independent physiological effects at biological consequences, ayon sa mga scientist sa pangunguna ni Dr. Marc Hamilton ng Dalton Cardiovascular Research Center ng University of Missouri-Columbia sa Ohio, USA. Lumalabas sa mga makabagong pag-aaral na ang sedentary behavior katulad ng madalas na pag-upo na iyong binanggit ay maaaring makataas ng total cholesterol, triglycerides, at blood sugar level. Nagiging dahilan din ito ng paglaki ng tiyan o waist circumference.
Sa isang pag-aaral na isinagawa ng mga scientist mula sa Indiana University School of Medicine, ang matagalang pag-upo ay nagreresulta sa pagtaas ng cardiovascular disease risk factors. Ayon sa kanila, ang matagal na pag-upo (tatlong oras at higit pa) ay nagiging dahilan ng endothelial dysfunction na maaaring magresulta sa iba’t ibang uri ng sakit sa puso (cardiovascular diseases). Mababasa ang pag-aaral na ito sa Medicine & Science in Sports and Exercise na nailathala noong April 2015.
Makikita natin sa mga binanggit na pag-aaral ang koneksyon ng matagal na pag-upo sa ating lipid profile, pagtaas ng blood sugar level at sa iba’t ibang uri ng sakit sa puso. Ayon kay Dr. Saurabh Thosar at iba pang dalubhasa mula sa Indiana University School of Public Health, maiiwasan ang mga masasamang epekto na ito ng matagalang pag-upo sa pamamagitan ng pagtayo at paglalakad, at iba pang light exercise kada isang oras.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y patuloy na bumuti ang iyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com










Comments