top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Masama ang loob ni Roque sa senatorial line-up dahil ‘di siya kinukuhang guest candidate

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 4, 2021
2 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | December 04, 2021


P-DUTERTE, NANAWAGAN SA MGA DDS NA ‘WAG SUPORTAHAN ANG MGA SENADOR NA NAG-IIMBESTIGA SA MGA KURAKOT—Nanawagan si P-Duterte sa mga DDS na huwag iboto si Sen. Richard Gordon at iba pang senador na hindi niya kaalyado.


Nag-ugat ang galit ni P-Duterte sa mga senador na miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee dahil sa pag-iimbestiga sa multi-billion peso scam na kinasasangkutan ng mga tauhan niya sa PS-DBM (Procurement Service-Dept. of Budget and Management) at mga katropa ni “Michael Yang” sa Pharmally Pharmaceutical Corp. na pag-aari ng mga wanted sa Taiwan sa kasong fraud.


Mantakin n’yo, ‘yung mga senador na may pagmamalasakit sa kaban ng bayan at nag-iimbestiga sa mga kurakot ay sila pa ang ipinapanawagan ng pangulo na huwag iboto sa halalang 2022, tsk-tsk-tsk!

◘◘◘


SAKIT SA ULO NG COA ANG NTF-ELCAC FUNDS—Ang nais ni P-Duterte ay huwag tapyasan ang budget na P28 bilyon ng NTF-ELCAC (National Task Force-End Local Communist Armed Conflict).


Sa totoo lang, dapat piso lang ang gawing budget sa NTF-ELCAC kasi sakit sa ulo ng COA kapag nagsasagawa na sila ng auditing dahil puro confidential ang sinasabi ng ahensiyang ito sa mga pinagkakagastusan nila, na kesyo hindi puwedeng sabihin ang mga pangalan ng mga rebel returnees na binibigyan nila ng pera para sa seguridad ng mga ito.


Duda ng mga senador ay nako-corrupt lang ang pera ng bayan, kaya tinapyasan nila ang budget nito at ginawa na lang P4 bilyon, period!


◘◘◘


WALA NA NGA GAANONG NAITULONG ANG DA SA MGA MAGSASAKA, GUSTO PANG DAGDAGAN NG P12-B ANG BUDGET NILA—Nais ng Department of Agriculture na padagdagan ng P12 bilyon ang budget ng kanilang tanggapan.


Pambihira, wala nga halos naitulong ang DA sa mga magsasaka at patunay d’yan ang reklamo ng mga magsasaka na binabarat ng pamahalaan ang mga pananim nilang palay, tapos gusto pa ng DA na dagdagan ang budget nila? Mga buwisit!


◘◘◘


SA DAMI NG MGA HEALTH WORKERS NA MAY GALIT KAY ROQUE, HINDI TALAGA SIYA GAGAWING GUEST CANDIDATE—Matapos masama sa senatorial line-up ng Bongbong Marcos-Sara Duterte tandem, sinabi ni dating Presidential spokesman Harry Roque na masama ang loob niya sa ilang presidentiables dahil hindi isinama ang kanyang pangalan bilang guest candidate sa senatorial line-up ng mga ito.


Dapat isalpak ni Roque sa kanyang kokote na hindi engot ang ilang presidentiables para gawin siyang guest candidate kasi ang daming health workers ang may galit sa kanya dahil sa pambu-bully at pagtararay na ginawa nito.


‘Ika nga, talagang hindi siya isasama sa senatorial line-up kasi baka pati sila ay madamay at i-zero vote ng mga health workers na may galit sa kanya, boom!



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page