Search
  • BULGAR

Mas pinaluwag na lockdown, sagot para maisalba ang ekonomiya

ni Ka Ambo - @Bistado | March 9, 2021



Ayon sa mga economic experts, kapag pinaluwag pa nang todo ang lockdown, maaari nang makarekober ang ekonomiya ng Pilipinas sa second quarter ng taong ito.


Huh, sana nga!


◘◘◘


Tiyak na gagawin lahat ng Malacañang ang paraan upang mabilis na makaangat ang ekonomiya mula sa pagkakalugmok noong 2020.


Makaaapekto kasi ito sa mga kandidatong ie-endorso ni P-Digong!


◘◘◘


Ayaw pang magdeklara ng sinuman kina Mayor Sara at Sen. Bong Go kung kakandidato sa susunod na taon dahil hinihintay nila ang datos kung makarerekober ang ekonomiya.


Siyempre, kapag nagkaroon pa ng matinding krisis at nagkagulo—wala nang pag-uusapan, malabo nang kumandidato sina Sara at Sen. Bong.


Pero, kapag nakarekober at nawala ang COVID sabay pagpasok ng mga investors—ang taumbayan ang magtutulak sa kanila upang kumandidato!


◘◘◘


May tsismis na puwedeng magtandem sina Mayor Sara at Bong Go.


Pero, ‘yan ay kinokontra ng ilang kritiko dahil hindi umano ito praktikal.


Kasi’y paano naman ang ibang kaalyado at aspirante na maka-Digong?


Mapipilitan silang sumakabilang bakod at sumama sa oposisyon!


◘◘◘


Sa mga aspirante, biglang pumapasok ang dalawang pangalan.


Ito ay sina dating Defense Secretary Gibo Teodoro at Sen. Joel Villanueva.


Magkahiwalay na grupo sina Teodoro at Villanueva at walang linaw kung president o bise-president ang kanilang tatakbuhin!


◘◘◘


Lumalabas ang mga bagong aspirante dahil sa paniniwalang kailangang maging pangulo sa 2022 ay dapat may malinaw na track record.


Kasalukuyang senador si Villanueva at nakaangat siya bilang No. 2 sa final tally na ikagulat ng lahat sa senatorial race laban sa mga beterano!


◘◘◘


Batambata si Villanueva nang maging kongresista sa edad na 26 kaya’t ikinukumpara ang kanyang popularidad sa biglang sikat na si Mayor Vico Sotto ng Pasig.


Sa ngayon, ang boto ay huhusgahan ng mga netizen na nakababad sa social media kung saan kontrolado ito ng kabataan!


◘◘◘


Ang pag-angat ng ekonomiya ay nakapondasyon sa modernisasyon at teknolohiya na forte ng kabataan.


Kailangan magamit ng gobyerno ang hindi maawat na pag-angat ng teknolohiya na dapat ikambal sa industriya na magsusulong ng pag-unlad!


◘◘◘


Tanging kabataan lamang ang may kakayahang umunawa at makasabay sa modernisasyon ito.


Mas madaling makakakilos ang gobyerno kapag ang mga patakaran at regulasyon ay nakatanim sa modernong teknolohiya partikular ang proseso ng serbisyo publiko!


◘◘◘


Naihatid si Villanueva sa kamalayan ng kabataan dahil naging hepe siya ng TESDA na naging behikulo upang makatikim ng libreng edukasyon teknikal ang milyun-milyong kabataan.


Naging popular ang TESDA sa panahon ni Villanueva kaya’t sorpresang sinapawan niya ang mga beterano nang siya ay kumasa sa Senado!


◘◘◘


Gayunman, inihahanay si Villanueva hindi bilang pangulo, bagkus ay ibinibilang siya bilang aspirante sa pagka-bise-president.


Hindi malinaw kung sino ang kanyang makaka-tandem!


◘◘◘


Si Teodoro naman ay wala pang kongkretong plano, pero nagsimula nang palutangin ang kanyang pangalan sa social media ng malalapit niyang kaibigan.


Kumbaga, biglang nabuhay ang pangalan ni Gibo!


◘◘◘


Habang lumalapit ang 2022—tiyak na marami pang pangalan ang lulutang, ito ay dahil nauuhaw ang publiko sa kandidatong may karisma at mag-aahon sa bansa mula sa matinding pagdarahop.


Tahimik ang publiko, pero tulad ng karagatan—malalim ang pusod at damdamin nito posibleng biglang magbunsod ng ibayong pagbabago sa larangan ng politika sa bansa!

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.