Mas oks na raw na tahimik sila ni Julia… COCO, NEVER PAPASOK SA PULITIKA
- BULGAR

- 6 days ago
- 2 min read
ni Mercy Lejarde @Talkies | June 11, 2026

Photo: IG _cocomartin_ph
Bonggang saya ang hatid ni Coco Martin sa kanyang mga tagahanga dahil muli siyang mapapanood gabi-gabi sa telebisyon kasama ang prime actress na si Julia Montes sa inaabangang seryeng Coco Martin’s Sigabo na magsisimula sa June 22 at mapapanod mula Lunes hanggang Biyernes nang gabi,
Sa isang panayam, natanong si Coco kung mayroon ba siyang balak na pasukin ang pulitika.
Ayon sa aktor, “No. Matagal na matagal na ‘yan. Almost every election, palagi akong tinatanong n’yan. Paulit-ulit ko nang sinabi na honestly, wala akong interes kasi nakita ko kung gaano kahirap. Mayroon naman tayong matitinong politicians, pero napakahirap ng sitwasyon.
“Sa sitwasyon ko ngayon, kung nakakatulong naman ako kahit kaunti sa ating mga kapwa-Pilipino, kahit sa sarili kong pamamaraan, okay na ako ru’n. Kaysa ilagay ko ang sarili ko ru’n. After that, s’yempre ay iba-iba ang intensiyon sa ‘yo ng tao. Depende kung maa-appreciate nila ang ginagawa mo o sisirain ka nila.
“Sabi ko nga, mas better na ‘to na tahimik kami bilang mag-partner at tahimik ako sa trabaho ko kasi sa simpleng pamamaraan ay mas nakakatulong tayo sa mas maraming Pilipino.”
Ibinahagi rin ni Coco sa panayam na may mga nag-alok sa kanya na mag-endorso ng online gambling, pero pinili niyang tanggihan ang mga ito dahil hindi umano ito naaayon sa kanyang mga prinsipyo at paniniwala sa buhay.
Saad ni Coco, “Tinanggihan ko. After that, binalikan ako. ‘Di ko akalain na sa tanang buhay ko ay o-offer-an ako ng ganu’ng klaseng halaga.”
Pinag-usapan daw nila ni Julia kasama ang kanilang manager ang offer, pero sa huli, naisip nilang aanhin nila ang malaking pera kung makakasira naman sila ng buhay ng mga taong malululong sa sugal.
NAGPAABOT ng panalangin ang aktres-TV host na si Melai Cantiveros para sa mga residente ng Mindanao, lalo na sa General Santos City (GenSan) matapos tumama ang malakas na lindol sa rehiyon.
Saad ni Melai sa kanyang post, “In Jesus’ name, alisin Mo na po, Lord, ang mga aftershocks. Nawa’y makabangon agad ang Mindanao, lalo na ang GenSan, mula sa pinsalang dulot ng lindol.
“Maraming salamat sa lahat ng nangumusta sa aking pamilya. Salamat, Lord, dahil ligtas silang lahat. Dalangin ko rin na maging ligtas ang lahat ng pamilya sa mga apektadong lugar.
“Panawagan na rin po sa lahat ng gustong mag-help, need po ng more tents sa mga hospitals namin du’n.”
Anyway, huwag nating kalimutang ipagdasal ang mga nasalanta ng lindol sa Mindanao.
SAMANTALA, inalala rin ng isa sa mga bida ng ABS-CBN series na Blood vs. Duty (BVD) na si Gerald Anderson ang dati niyang tambayan sa GenSan noong kanyang kabataan.
Ibinahagi ni Gerald sa wikang Bisaya (Cebuano) ang kanyang saloobin hinggil sa nangyari sa Mindanao.
Saad ni Gerald, “Nangatumpag ang akong dating tambayan (Naguho ang dati kong tambayan).”
Dagdag pa niya, “Amping unta ang tanan (Ingat po sana ang lahat).”
Nagbahagi rin siya ng mensahe sa Ingles “I was there almost every day when I was younger.”
Matatandaang isang magnitude 7.8 na lindol ang tumama sa General Santos City noong Lunes, June 8, 2026, bandang alas-7:37 ng umaga.
Dahil sa tindi ng pagyanig, gumuho ang isang sangay ng kilalang fast food chain na umano’y madalas puntahan ng aktor noong kanyang kabataan.





Comments